Target ng tatlo-kataong Philippines Track Cycling Team na masungkit ang mga medalya at silya sa isasagawang 2016 Rio de Janeiro Olympic Games sa paglahok sa 35th Asian Cycling Championships at 22nd Asian Junior Cycling Championships sa Pebrero 4-14 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Napag-alaman kay national coach Carlo Jazul na ipadadala ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ang mga beterano at SEA Games gold medalists na sina Alfie Catalan at John Paul Morales, kasama ang papaangat na si Arnel de Jesus sa prestihiyosong torneo.  

“We aim for at least a podium finish,” pahayag ni Jazul na umaasang mapapasakamay ng mga beteranong rider na makuwalipika sa prestihiyosong 2016 Olympics.

“We will only compete in the Olympic Sprint, Scratch at Point race pero titingnan pa namin iyong full schedule kung kakayanin namin na makasali sa ibang event na tulad sa individual at team pursuit.”

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Hahawakan naman ng beterano ng Tour de France na si Chris Allison ang kampanya ng Pilipinas sa road race na inaasahang bubuuin nina Mark Lexer Galedo, Ronald Oranza at ang tinanghal na Asian Juniors bronze medalist noon na si Rustom Lim.   

Target din ng koponan ang paglahok sa Asian Cycling Championships na taunang continental cycling championships para sa road bicycle racing at track cycling na nagsimula pa noong 1963 na eksklusibo lamang para sa Asian cyclists upang agad na makatuntong sa Olimpiada.

“Malaki ang tsansa natin ngayon dahil preparado ang mga bata,” pahayag ni Jazul. “Sana makakuha tayo kahit man lang isang silya sa Olympics.”

Paglalabanan sa ACC ang Men’s at Women’s road events (Road race at Individual time trial) at Men’s track event na Sprint, 1-km time trial, Keirin, Individual pursuit, Points race, Scratch, Omnium, Madison, Elimination race, Team sprint at Team pursuit.

Nakataya rin sa Women’s track events ang Sprint, 500m time trial, Keirin, Individual pursuit, Points race, Stratch, Omnium, Elimination race, Team sprint at Team pursuit.