Inaresto kahapon pero pinakawalan din ng Senado si Makati City Mayor Jejomar “Junjun” Binay at dalawa pang kasama nito matapos silang pinaharap sa pagdinig ng sub-committee ng Senate Blue Ribbon Committee.
Inaresto ng Senate Sergeant at Arms si Binay at ilang opisyal ng lungsod matapos silang i-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee sa hindi pagsipot sa mga pagdinig kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa Makati City Hall Building 2.
Dakong 7:00 ng umaga dumating si Binay sa Makati City Hall at sinalubong siya ng daan-daang tagasuporta na maagang nagtipun-tipon sa harap ng gusali, bitbit ang mga placard na nagpapahayag ng kanilang simpatiya at suporta sa alkalde at sa pamilya Binay.
Kasama ng alkalde ang kanyang apat na anak, at dumating din si dating Mayor Dr. Elenita Binay, Rep. Abigail Binay-Campos at Cavite Gov. Jonvic Remulla para magsidalo sa misa sa ika-21 palapag ng City Hall hanggang sa dumating ang Senate Sergeant at Arms, sa pangunguna ni retired General Jose Balajadia.
Kasa-kasama rin ng alkalde ang dalawang dating senador at mahuhusay na abogado na sina dating Senators Rene Saguisag at Joker Arroyo.
Apat na oras munang namalagi si Binay sa tanggapan ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) bago siya sapilitang pinaharap sa komite.
Ayon kay Senator Aquilino Pimentel III, ang hiling ng komite ay paharapin si Binay at pagkatapos ay puwede nang pakawalan ang alkalde.
Bukod kay Binay, pinakawalan din sina Makati City Administrator Eleno Mendoza at dating Makati Administrator Marjorie de Veyra.
Patuloy pa ring pinaghahanap sina Eduviges “Ebeng” Baloloy, Engr. Line Dela Vega at Bernadeth Portollano.
Ipinapadakip din ng komite si Tomas Lopez, direktor ng Agrifortuna, Inc. na hindi nakadalo sa pagdinig taliwas sa ipinangako nito noong nakaraang linggo.