SALAMAT sa muli mong pagbabasa ng ating paksa tungkol sa maliliit na salita na may gahiganteng kahulugan na binuksan natin kahapon. Naging maliwanag sa atin na kahit ninanais mong matamo ang pinakamagandang trabaho, mapabuti ang iyong pakikipagkaibigan, sagipin ang pagsasama ninyong mag-asawa o mapanatili ang inyong kasambahay, malaki ang epekto ng mga salitang iyong binibigkas.

Narito ang iba pang maliliit na salita na may gahiganteng kahulugan:

  • Mahal kita. - Ito na marahil ang pinakadakilang pangungusap. Wala nang maikukumpara sa “Mahal kita” o “I love you.” Sinasalamin nito ang pinakapuro at pinakanatural na handog ng sangkatauhan - ang pag-ibig. Ang makatatalo lamang sa mga salitang ito ay ang pagpapakita mismo ng pagmamahal.
  • VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

  • Nagkamali ako. - Iilan lamang ang mga salitang may kapangyarihang nagpapaalab ng init ng kapatawaran, at isa na rito ang matapang at walang halong pagkukunwaring pag-amin ng pagkakamali. Kapag nakasakit tayo ng damdamin o nagawan natin ng malaking pagkakamali ang isang tao, malapit man ito sa atin o hindi, alam natin na hindi na mababago ang nakaraan. Ngunit ang pag-amin ng pagkakamali ay may malaking epekto sa pagbubuti ng kinabukasan.
  • Maganda ka. - Kung pangit ang pakiramdam natin - sa labas at sa loob, iba pa rin ang idinudulot na ginhawa kapag narinig mo na ikaw ay hindi naman talaga pangit. May nag-iisip na maganda (o pogi) ka, sa oras na ito. Ang tao lamang ang naglalagay ng pamantayan kung ano ang maganda at pangit.
  • Okay lang iyan. - Kapag nangungulubot na ang noo natin sa pag-aalala o hindi na maipinta ang mukha natin dahil sa takot, ang mga salitang ito ay nakatutulong upang magdulot ng kapayapaan sa isipan. Kung lumuha ka na sa harap ng iyong kaibigan o magulang o asawa, alam mo ang ginawa sa pakiramdam kung may taong magpapaalala sa iyo na mauuwi ang lahat sa mabuti. “Huwag kang mag-alala, okay lang iyan.”

Ang karugtong, bukas.