Dinomina ng bagong sibol na mananakbo na si Gregg Vincent Osorio ng UST at ipinagmamalaking stalwart ng Davao City na si Celle Rose Jaro ang tampok na 21km ng 11th Philippine Stock Exchange (PSE) Bull Run sa palibot ng Bonifacio Global City sa Taguig City.
Solong tinawid ng 21-anyos na Aklakeño na si Osorio ang finish line kung saan ay naitala nito ang 1 oras, 14 minuto at 34 segundong marka para sa titulo ng PSE Bull Run habang pumangalawa si Michael Bosito ng Marikina City (1:24:13) at pumangatlo ang banyagang si Joseph Odhuno (1:24:50).
Pinarangalan ng punong-abalang PSE, sa pangunguna nina Pres./CEO Hans Sicat at COO Atty. Roel Refran, ang nag-reyna na si Jaro (1:33:24) gayundin ang pumangalawang si Janette Lumidao ng St. Claire College (CSB) (1:40:46) at Silamie Apolistar (1:45:01) sa karerang inorganisa ng AdEvents nina Maryanne Ringor at Adlai Asturiano.
Nasa Top 3 naman sa 10km male at female race sina John Matthew Claveria at Luisa Raterta, Reggie Lumawag at Criselyn Jaro at Zeter Gonzales at Janice Tawagin habang ang Top 3 sa 5km run ay sina Roland Salgado at April Rose Diaz, Kristoffer Troy Sison at Mary Grace dela Torre at sina Rey Laureta at Alyssa Marie Casaclang.
Nagwagi sa 3km Open category sina Joji Pagaas at Jo Punay habang pumangalawa sina Rey Pulido at Vilma Sta. Ana at ikatlo sina Richie Legaspi at Maryanne Ortega habang sa PSE race results ay kinabibilangan nina Francis Medina at Merryl del Rosario, Michel Dangca at Roellaine Amores, at Pablo Fabuhat at Lelyn Elivarez sa karera na para sa promosyon ng Market Education Program ng naturang ahensiya.
Hangad ng karera na maitaas ang antas ng kaalaman ng madla sa kahalagahan ng economic awareness sa pag-invest sa Stock Market.
Ang Longest Distance Challenge title ay nabingwit ng BPI, 21-Team Category ang Power Puff at nasikwat ang Biggest Group Award ng DHL (Running Club), Angping & Associates (Stockbroker) at BPI (Listed Company).