Nilinaw ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na gusto niyang isulong ang kanyang panukalang “Bigger Pie, Bigger Slice Bill” kaya ipagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Sub-comittee sa sinasabing overpricing ng Makati City Hall II Parking Building.
“Ang pangunahing interes ko sa imbestigasyong ito ay lehislatibo dahil mayroon akong pending bill na ‘Bigger Pie, Bigger Slice Bill’ na magkakaloob ng mas malaking resources sa Local Government Units (LGUs) kung magiging batas,” diin ni Pimentel. “Kaya wala akong ibang layunin kundi mabawasan kundi man lubos na mawala ang korupsiyon sa lokal na antas.”
Bilang tagapangulo rin ng Oversight Committee sa Local Government Code of 1991, may mandato rin si Pimentel na magsagawa ng masistema at malawak na pagrerepaso sa nasabing batas.
“Pero bago maging batas ang ‘Bigger Pie, Bigger Slice Bill,’ kailangang magsimula na tayong labanan ngayon ang korupsiyon sa lokal na antas,” diin ng senador mula sa Mindanao. “Ito rin ang dahilan kaya buo ang suporta ko sa mga programa ng Tanggapan ng Ombudsman para magwakas ang kabulukan at katiwalian sa lokal na antas.”
Pinabulaanan din ni Pimentel na isang persekusyon sa pamilya ni Vice President Jejomar Binay ang imbestigasyon at nilinaw na umaasa siyang matapos ito ay makapagpapanukala siya ng mga batas para mapabuti ang pamamahala sa LGUs.
“Mahalaga at kailangan ang imbestigasyong ito para mabatid natin ang katotohanan at ang katotohanan ay tiyak na kailangan para magkaroon ng kaliwanagan ang buong bansa,” dagdag ni Pimentel.