Handa si Makati City Mayor Junjun Binay na magpakulong bilang tugon sa desisyon ng Senate Blue Ribbon Committee na ipaaresto siya, kasama ang anim pang opisyal ng lungsod, sa hindi pagsipot sa pagdinig sa umano’y overpriced Makati City Hall Parking Building 2.

Sa harap ng kanyang mga tagasuporta, sinabi ni Mayor Binay na hihintayin niya sa city hall ang Senate Sergeant of Arms at boluntaryo siyang sasama sa opisyal bilang pagtalima sa detain order na ipinalabas ng Senado.

Nilinaw ng alkalde na magpapakulong siya dahil mali na, aniya, ang ginagawa ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Sen. TJ Guingona, at sub-committee nina Senators Koko Pimentel, Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV.

“Batid ko po na ako ay isang mayor lamang kung ihahambing sa malalaki at makapangyarihang senador ng Senate Blue Ribbon sub-committee,” pahayag ni Binay, “at kahit minsan ay hindi ko po inisip na kalabanin ang Senado.”

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

“Ngunit napansin ko po na ang katotohanang gusto nilang paniwalaan at panigan ay ‘yun galing sa mga nagaakusa sa amin na walang ebidensiya,” pahayag ng alkalde.

Bukas ang kampo Binay sa pagdulog sa korte, partikular sa Korte Suprema, upang iapela ang desisyon at maghain ng motion for reconsideration.

Umapela ng dasal ang pamilya Binay sa mga residente ng Makati at sa sambayanang Pilipino at umaasa sa pagpapasya ng publiko at hukuman sa tamang panahon.