Taglay ang inspirasyon hindi lamang sa pagiging competitive sa kanilang sport at malaking naitutulong sa pagsalba sa kalikasan, isusulong ng pamunuan ng PhilCycling ang pagbabalik ng event na cycling sa taunang Palarong Pambansa sa sususnod na taon.

Sa isang resolusyon na nabuo sa kanilang nakaraang board meeting, kaalinsabay sa pagsisimula ng ASEAN Mountain Bike Cup Series sa Danao City, Cebu noong nakaraang Sabado, napagkasunduan ng PhilCycling, sa pangunguna nina chairman Bert Lina at president Abraham “Bambol” Tolentino, na kailangang suportahan ng Palarong Pambansa ang kanilang grassroots development program na naglalayong makatuklas ng mga kabataang talento at mga potensiyal na maging miyembro ng national team.

Ngunit hindi lamang sa aspetong iyon nakatuon ang layunin ng PhilCycling kundi maging sa iba pang bagay na nagagawa at naitutulong ng cycling sa mga mahiligin sa pagbibisikleta.

“Cycling is no longer just a sport or a hobby or a form of physical fitness—it is an advocacy to help save the environment,” pahayag ni Tolentino.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gagawin ng PhilCycling ang kanilang representations sa mga bagay na nabanggit kina Department of Education (DepEd) Secretary Bro. Armin Luistro at Assistant Secretary Tonisito Umali na siya ring Palarong Pambansa Secretary General.

“The campaign to use the bicycle, practically every day—as a mode of transportation to and from the work place and schools—has gone global and almost every country in the world is one in promoting the bicycle to help halt global warming,” pahayag naman ni Lina.

Nagsimula ang kanilang adhikain na maibalik ang cycling sa Palaro kay dating Tour champion Modesto Bonzo ng Pangasinan na sinuportahan naman ng kanyang kapwa ex-champion na si Paquito Rivas at mga dating tanyag at mahuhusay na siklista na sina Juancho Ramores at Cornelio Baylon na kapwa nagsimula sa kanilang pagiging siklista sa Palarong Pambansa noong nasa high school pa lamang sila mula dekada 70’s hanggang 80’s.

Nangako naman sina Danao City Administrator Oscar “Boying” Rodriguez, ang PhilCycling Technical Commission head, na hikayatin nila ang kanyang mga kababayan sa Cebu na suportahan ang kampanya na maibalik ang cycling sa Palaro kasabay ang paglikha ng mountain bike program na angkop sa mga kabataang nasa elementarya at high school.

Bahagi sa kalendaryo ng Palaro ang cycling noon bago ito natigil ng apat na taon mula noong 1984 hanggang 1987 sanhi sa nangyaring EDSA revolution.

Ngunit nang ibalik ang Palaro noong 1988, nawala ito sa hanay ng mga regular event sa Lucena City.