Naunahan ng kanilang opening day opponent na Barangay Ginebra San Miguel sa target na makuha ang import na si Michael Dunigan, napasakamay ng Meralco ang serbisyo ng import na kinikilala sa US na hawig sa laro ni NBA star Kawhi Leonard upang makatulong sa kanilang kampanya sa ika-40 edisyon at ikalawang kumperensiya ng PBA Commissioner’s Cup.
Nakatakdang maglaro sa opening day kontra sa Kings, ipaparada ng Bolts ang NBA D-League veteran at 6-foot-8 na si Joshua Davis.
Pinahanga ni Davis ang head coach ng Bolts na si Norman Black at team manager na si Paolo Trillo na personal pang pinanood ang laro ng una sa US.
Inaasahang malaki ang maitutulong ni Davis, na inilarawan ni Trillo na isang athletic player, mahusay na rebounder at taglay ang versatility sa paglalaro, sa ilang posisyon pagdating sa loob ng korte.
Naging kakampi ni Leonard sa San Diego State University si Davis ngunit bigong ma-draft noong nakaraang taon sa NBA.
Huli itong lumaro sa koponan ng Austin Spurs sa NBA D-League kung saan ay nagtala siya ng double-double average na 13.8 puntos at 10.6 rebounds.
Sa tulong ng 23-anyos pa lamang na si Davis, umaasa ang Bolts na makukuha nilang maiangat ang naitalang quarterfinals finish sa nakaraang Philippine Cup.