PUMIRMA kamakailan ang teen star na si Julian Trono ng kontrata sa ilalim ng JU Entertainment and Music Contents, Inc., isang Philippine company na may Korean counterpart sa pakikipagtulungan ng GMA Records.

Ginanap ang contract signing sa GMA Network Center.

Si Julian ang pinakaunang Pinoy celebrity na sasailalim sa training ng Korean Pop (KPop) System. Dumadaan siya sa intense training schedule na may voice at dance lessons na pangungunahan ng mga batikang Korean instructors.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Kilala bilang choreographer at mahusay na mananayaw si Julian, pero ngayon ay susubukan niyang mas palawakin pa ang kanyang kakayahan bilang artista dahil malapit na niyang ilabas ang kanyang unang single. Ang nasabing proyekto ay kolaborasyon ng Korea at ng Pilipinas.

Tapos na ang recording ng kanyang first single at patuloy pa rin ang shooting ng kanyang music video. Makakasama niya sa nasabing proyekto ang isang sikat na Korean rapper na bibisita sa Pilipinas.

Malaki ang pasasalamat ni Julian sa pagkakataong ito, dahil kahit hindi siya pamilyar sa KPop noong una, nagawa niyang matutunan at mahalin ang mga mahahalagang bagay tungkol dito.

“Talagang whole new world siya sakin, so I did research kasi siyempre kailangan akong makarelate sa kung anong culture nila do’n,” pahayag ni Julian.

Ngayon, bukod sa natutuhan na niya ang iba’t ibang KPop techniques at styles, inamin ni Julian na napamahal at nahihilig na rin siya rito.

“I’m more than familiar with it now and I can say na iba yung quality at efforts na binibigay nila sa mga proyektong ginagawa nila kaya naiintindihan ko na why a lot of Pinoy fans are into K-Pop. Na-enjoy ko na rin siya talaga,” dagdag pa ni Julian.