SanMig's Coach Tim Cone post interview.    Photo by Tony Pionilla

Sa isa lamang season, dalawang espesyal na pangyayari ang nagawa ni Tim Cone na nagbukod sa kanya sa iba pang magagaling na coach ng Philippine Basketball Association (PBA).

Ang 57-anyos na si Cone ay naging most accomplished mentor sa 40 taong kasaysayan ng unang play-for-pay league sa Asia makaraan niyang malampasan ang long-time record ng “Maestro”, ang maalamat na si Virgilio “Baby” Dalupan, at maging natatanging coach na napasakamay ang Grand Slam sa dalawang magkaibang koponan.

Ang katangi-tanging pangyayaring ito ay dapat lamang na mabigyan ng malaking konsiderasyon at hindi ito ipagdadamot ng Philippine Sportswriters Association (PSA) kung kaya’t igagawad kay Cone ang Excellence in Basketball sa Annual Awards Night na handog ng MILO na idaraos sa Pebrero 16.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang champion coach ay isa sa mga awardee na nagpakita ng galing sa nakalipas na taon na kikilalanin ng pinakamatandang organisasyon ng media sa bansa sa pormal na pagtitipon, katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC), at suportado ng Philippine Basketball Association (PBA), Accel, Globalport, at Rain or Shine.

Ang 1973 Philippine men’s team na nanalo sa FIBA Asia Men’s Championship sa Manila ay una nang inanunsiyo na gagawaran ng Lifetime Achievement Award.

“It’s only fitting for the PSA to recognize Tim Cone with the Excellence in Basketball honor following the outstanding achievement he did in a memorable PBA season,” pahayag ni PSA president Jun Lomibao, sports editor ng Business Mirror.

Inihiwalay ni Cone ang sarili bilang winningest coach sa pro league ng bansa sa kanyang 18 titulo matapos igiya ang San Mig Coffee sa isang Grand Slam sa nakaraang taon.

Ang sweep sa nakalipas na season ang una sa loob ng 18 taon sa PBA mula nang si Cone rin ang huling nakapaggiya sa isang koponan sa isang Grand Slam kasama ang Alaska noong 1996.

Binuksan ng dating national team mentor ang ika-39 season ng liga nang dalhin ang Mixers sa Philippine Cup championship nang talunin ang Rain or Shine para sa kanilang ika-16 titulo at burahin ang rekord na 15 na tangan ni Dalupan.

Idinagdag niya, pagkatapos ang korona sa Commissioner’s Cup nang gapiin ang Talk ‘N Text, na muling tinalo ang Rain or Shine sa season-ending na Governors Cup para sa tunay na hindi makalilimutang season para sa kanya at sa Mixers.

Matapos nito, si Cone ay pinangalanan ng PBA Press Corps bilang natatanging napili bilang Coach of the Year, isang titulong dalawang beses na niyang napasakamay sa nakaraang taon.

Dumadaan pa rin sa deliberasyon ng PSA ang prestihiyosong Athlete of the Year award na pinaglalabanan nina Daniel Caluag ng cycling, Donnie Nietes ng professional boxing, at Gabriel Moreno ng archery.

Ipamimigay din ang mga pangunahing award at citations sa mga atleta at organisasyong nagbigay ng parangal sa bansa sa taong nakalipas.

Nasa ika-66 taon na, igagawad din ng PSA ang President’s Award gayundin ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, ang Tony Siddayao Awards para sa mga natatanging atleta na may edad 17 pababa, Lifetime Achievement Award, Sports Patron of the Year, Posthumous, at ang Milo Outstanding Athletes (boys and girls).