MATUTO tayo sa mga dukha, payo ni Pope Francis sa kanyang sermon sa napakaraming tao na dumalo sa kanyang “Encounter with the Youth” sa University of Sto. Thomas. Bakit nga ba hindi eh sagana sa karanasan ang mga dukha na pagkukunan sana ng aral.

Sa kahirapan, napipilitang mangibang bansa ang ama, ina o anak upang magtrabaho. Kung hindi naliligaw ang ama o napapariwara ang ina o anak, dadatnan naman niyang wasak na ang kanyang pamilya. Hindi ko alam kung kailan titigil ang pagluha ng mga magulang ng nangibang bansa ang kanilang anak na binitay o bibitayin dahil naligaw ito sa pagnanais niyang mahango ang pamilya sa kahirapan. Pami-pamilya kung mabiktima ang mga dukha ng kalamidad, tao man o kalikasan ang may likha. Dahil sa kahirapan, nanirahan sila malapit sa baybayin na pinagkukunan nila ng kanilang ikabubuhay. Nang sumampa sa dalampasigan ang napakataas na mga alon, pami-pamilya nangamatay at nangawala. Pami-pamilya ring inilibing nang buhay ng gumuhong lupa ang mga kapwa nating nakatirik ang mga bahay sa gilid ng burol kung saan dito sila dinala ng kahirapan. Pami-pamilya kung wasakin ang kanilang mga bahay dahil pwersahang inaagaw na sa kanila ng gobyerno ang lupang kanilang kinalalagyan.

Hindi ba ang gobyernong ito ang dapat mangalaga at kumalinga sa kanila? Napakaraming pamilya ang nawalan ng bahay at sa kalye sila nagpalipas ng gabi at araw sa gitna ng lamig at init nang masunog ang kanilang bahay sa panahong nagsasaya ang lahat. Pami-pamilya ang nakatira sa ilalim ng tulay at gilid ng mga marumi at mabahong estero.

Ang problema, ayaw matuto sa mga dukha ang mayayaman at mga makapangyarihan. Ang gobyerno na dapat tumulong sa lahat ay magkasabwat nilang ginagamit para sa kanilang mga sarili. Ang kayamanan ng bansa na dapat nilang ikalat sa ikabubuti ng lahat upang mapawi ang kahirapan ay inaaring kanila. Sa dami ng salaping taglay nila, na hindi dapat, ay masasaya sila. Hindi nila kayang lumuha sa karanasang iniluluha ng dukha. Gayong ang luha, sabi rin mismo ng Papa, ay nagpapalinaw ng mata. Ang problema rin, samantalang nagsisiksikan, naiinitan at nauulanan ang mga dukha sa paghihintay para makita ang Papa, ang mayayaman at mga makapangyarihan ayaw matuto sa kanilang karukhaan ay sila pa ang mapalad na unang umaakap sa Papa at humahalik sa kanyang singsing.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros