KAHANGA-HANGA ● Kung naging isa ka sa masugid kang saksi sa mga aktibidad ni Pope Francis nitong mga huling araw, tiyak na napansin mo rin ang matitikas at alertong miyembro ng Philippine National Police (PNP) na tumupad sa kanilang tungkulin sa pananatiling maayos at mapayapa (kahit pa naghihiyawan ang mga mananampalataya sa tuwing masisilayan nila ang Papa) ang lahat ng galaw sa kanilang nasasakupan. Sa sinsin pagitan na tindig ng mga pulis sa mga lansangan upang mapanatili ang mga tao sa itinakdang lugar, kakaunti lamang sa hanay ng pulisya ang nakasilay man lang sa popemobile sapagkat nakaharap sila sa mga tao na nasa gilid ng mga kalye. Ang hirap siguro ng ganitong lagay nila.
Sa kabila ng bugso ng kanilang damdaming Kristiyano, tiniis nilang huwag lumingon kay Pope Francis – isang tuwirang pagtupad sa tungkuling magmatyag sa ano mang masamang elemento na makapagpapahamak sa Papa. At nasaksihan buong mundo ang kanilang kahanga-hangang pagtupad ng tungkulin dahil sa live feed ng media ng kapwa Pinoy at banyaga. Minsan pa, ating naipakita sa buong mundo na ang Pilipino ay may diwang ‘Tungkulin muna, bago ang sarili’. Sa bawat miyembro ng pulisya na naatasan sa tungkuling pangalagaan ang mahalagang pagbisitang ito ni Pope Francis, isang marubdob na pasasalamat mula sa sambayanan. Hindi ninyo binigo si Juan Dela Cruz na labis-labis na nag-aalala sa kaligtasan ng Papa hanggang sa pag-alis niya. Sa pamunuan ng PNP at ng DILG, thumbs up po kami sa inyong pagsisikap!
***
KAKAIBANG MAYNILA ● Dahil sa tindi ng pagsisikap ng pamunuan ng Lungsod ng Maynila, nakaambag ito sa tagumpay ng padaraos ng mahahalagang aktibidad ng papal visit sa lungsod. Natitiyak kong hindi lumabas na kahiya-hiya sa mata ng daigdig ang mga lugar na sinuyod ng mga kamera ng media ng kapwa Pinoy at banyaga. Ang kapansin-pansin ay ang pag-iibang bihis ng Maynila sa apat na araw na papal visit. Nangawala ang basura sa lahat ng sulok ng Rizal Park at ng Quirino Avenue at ang mga lansangang dinaanan ng convoy ni Pope Francis patungong Malacañang. Nawala rin ang mga palaboy na naninirahan sa perimeter fence ng golf course sa Intramuros; parang nagbalik sa mga unang gloria ang Maynila! At pagkatapos ng mga aktibidad sa pampublikong lugar, inaasahan naman ang sangkatutak na basurang iniwan ng mga dumalo. Eh, ano ba naman iyon? Dustpan at waling tingting lang ang katapat niyon. Ngunit ang pinakamalaking pagbabagong nangyari sa lungsod ay ang pagpapakita ng disiplina ng mga Manileño. Mabuhay ang Maynila!