Sa kabila ng mga pagdiriwang kaugnay sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa, tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa publiko na handa ang local government units (LGUs) sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao sa pagtama ng bagyong ‘Amang’.

“Inabisuhan na namin ang mga alkalde na maging alerto at sundin ang mga protocol sa ganitong uri ng kalamidad,” ani Roxas. “Dapat ding umaksiyon ang mga alkalde bilang unang tutugon o first responders sa mga kalamidad dahil sila ang makababatid kung kinakailangan ang preemptive evacuations sa mapanganib na mga lugar na tulad ng gilid ng bundok, tabing ilog at coastal areas.”

Nilinaw ng kalihim na may listahan sila ng mga dapat ipatupad o preparasyon bago o matapos tumama ang isang bagyo at ito ang dapat sundin ng LGUs para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

Ang protocol ay bahagi ng OPLAN Listo ng DILG na may mahahalagang papel ang mga ahensiyang tulad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP) na pinagsama upang magkaloob ng kaukulang ayuda sa LGUs at nakahanda na ito upang magpadala ng mga tauhan sa Regions IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII at CARAGA.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon kay Roxas, nakipag-ugnayan din ang DILG sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para masundan ang landas ng bagyo at maabisuhan ang LGUs.

"Mahirap 'yung nalilito tayo. Kaya kailangan lagi tayong listo,” dagdag ni Roxas.