Nananawagan ang Philippine Ports Authority (PPA-Bicol) sa mga shipping companies na magpadala ng kanilang mga sasakyang-pandagat para mapunan ang kakulangan sa paghahatid ng mga pasahero na bumibiyahe sa Matnog Port sa Sorsogon.

Ang panawagan ng PPA ay inanunsyo matapos masira ang apat sa 10 Ro-Ro vessels na naghahakot sa mga pasahero patawid sa Allen, Samar sa gitna ng kaabalahan para sa papal visit sa Tacloban.

Ayon kay Carol Mendizabal ng PPA, sinasabing anim na lamang sa mga ito ang operational habang hirap din na masunod ang 24-hour na tuluy-tuloy na biyahe dahil sa hindi magandang kondisyon ng karagatan.

Una nang tiniyak ng Marina na handa silang magbigay ng special permit sa ibang shipping companies para sa dagdag na mga barkong bibiyahe sa Matnog Port.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Dahil na rin sa kakulangan ng masasakyan, dumarami na ang stranded sa nasabing pantalan dahil sa patuloy na pagbuhos ng mga pasahero.

Samantala, nakiusap naman ang PPA sa mga commuters na maghanap na lamang ng alternatibong madadaanan maliban sa Matnog gaya ng Bulan at iba pang pier na may biyahe patungong Visayas.

Bagama’t aminado si Mendizabal na ang Matnog port ang pinakamalapit na ruta patungong Tacloban na bibisitahin ni Pope Francis sa Enero 17, hinikayat din niya ang ibang commuters na gumamit ng ibang alternatibong daraanan.