Inihayag kahapon ng Philippine Olympic Committee (POC) ang 25-women national volleyball team, sa pangunguna ng matangkad na magkapatid na sina Dindin at Jaja Santiago, na isasabak ng bansa sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Under 23 Championships at 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Binuo ng POC ang pambansang koponan matapos na akuin ang responsibilidad sa nagkakagulong opisyales ng Philippine Volleyball Federation (PVF) upang sagipin ang bansa sa posibleng pagbawi sa pagiging host ng internasyonal na torneo.
Ang Philippine women's volley team ay binubuo ng mga manlalaro na mula sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na ipapalit ng POC sa unang binuo at ilang buwan nang nagsasanay na koponan ng PVF.
Ang POC ang may karapatan na kilalanin ang ipadadalang koponan sa Olympics, Asian Games at SEA Games bagamat una nang nagsumite ng kanilang lineup ang PVF para sa kada dalawang taong SEA Games na gaganapin sa darating na Hunyo 5 hanggang 16 sa Singapore.
Maliban sa magkapatid na Santiago, kabilang din sa lineup sina Denden Lazaro, Angeli Araneta, Kathy Bersola, Jessie de Leon, CJ Rosario, Tin Agno, Marlene Cortel, Jannine Navarro, Nicole Tiamzon, Julia Morado, Frances Molina, Mina Aganon, Abigail Parca, Mylene Paat, Honey Royse Tubino, Kim Fajardo, Ara Galang, Mika Reyes at Alyssa Valdez.
Gigiyahan nina Roger Gorayeb at Sinfronio Acaylar ang koponan na isasabak sa 1st Asian Women’s Under-23 Championship sa darating na Mayo 1-9 at maging sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Magsisilbi ang U-23 Qualification Tournament para sa 2nd Women’s U-23 World Volleyball Championship sa Ankara, Turkey sa Agosto 12-19.
“Walang pilitan ito,” ayon kay Acaylar, na siya ring coach ng University of Perpetual Help System Dalta UPHSD Altas (women’s) at UPHSD Altas (men’s) team sa NCAA.
Si Gorayeb ay kasalukuyang athletic director ng Sa Sebastian College at SSC Lady Stags head coach sa NCAA bukod pa sa coach din ng National University (NU) Lady Bulldogs sa UAAP.