PRESIDENT QUIRINO, Sultan Kudarat – Sinabi ng pinuno ng Barangay Katiku sa President Quirino, Sultan Kudarat na sinasalakay ng mga pinaghihinalaang BIFF ang mga magsasaka sa kanyang barangay at katabing Barangay Bagumbayan upang humingi ng “sakat” o revolutionary tax.

Ayon kay Bgy. Chairman Sancho Salamanca, ang kanilang mga naunang lider ang nagbigay ng tila pakikiayon sa gawaing ito ng BIFF kapalit ng kapayapaan sa hanay ng magsasaka at sa buong barangay.

Noong una aniya ay maayos naman ang naturang kasunduan dahil maliit lamang ang kinukuha ng mga bandido tuwing tag-ani subalit nitong huli ay maging ang lupain na ng mga magsasaka ay nais nang “bawiin o angkinin” ng mga kaanak o pamilya ng mga nagpapakilalang may-ari ng mga lupain.

Simula nang lumabas ang grupong BIFF ay hindi na aniya natahimik ang mga barangay lalo na sa panahon ng anihan kaya’t nakipagpulong na sila sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan para sa mapayapang pagresolba sa problemang ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Subalit sa pananaw ni Salamanca ay lalo lamang lumala ang sitwasyon kaya’t humingi na sila ng tulong ng militar at pulisya.

“Totoo na may mga ilang magsasaka sa dalawang barangay na nag-armas na lalo na iyong may mga sakahan sa hangganan o di kalayuan sa lugar ng mga armado,” pahayag ni Salamanca.

Kaugnay nito, sinabi ni Lieutenant Colonel Markton G. Abo, pinuno ng 33rd Infantry Battalion ng Army, na itinalaga na niya ang isang bahagi ng kanyang tropa sa Sitio Sumilalao, Barangay Katiku upang mangasiwa sa kaayusan sa lugar na aniya ay ginagawang “launching ground” ng mga armado sa pagsalakay sa iba pang mga barangay. - Leo P. Diaz