Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa publiko kahapon na nagsagawa ng kinakailangang preparasyon ang Philippine National Police (PNP) at nagtalaga ng 1,500 pulis para sa Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila ngayon.
Ayon kay Roxas, nagsimulang makipag-ugnayan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Manila Police District (MPD) mula noong Disyembre para epektibong mamantine ang kapayaan at kaayusan sa taunang selebrasyon.
“Taun-taon, tinatayang 11 milyon katao mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ang lumalahok sa kapistahang ito at kailangang panatilihin natin silang ligtas sa anumang kapahamakan,” ani Roxas.
Dahil dito, nag-organisa ang MPD ng isang task group na responsable sa seguridad ng ruta para sa translasyon at prusisyon, pagkontrol at pamamahala sa mga lalahok. Ito rin ang naglinis sa mga illegal vendor sa ruta ng prusisyon na tulad ng Plaza Miranda, Plaza Lacson at iba pang lugar sa paligid ng Quiapo Church.
Nagsagawa naman ang anti-crime operations sa ilalim ng OPLAN Lambat-Sibat ng mga paghahanda upang mahadlangan ang anumang krimen na maaring maganap ngayon.
“Ito ang kabuuan ng PNP na nagtatrabaho. Nag-aambag ang bawat isa upang matiyak na hindi masasamantala ang pagdiriwang ng anumang elementong kriminal,” dagdag ni Roxas.