Paborito ng mga guro ang pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na ipinapalabas ngayon at kalahok sa 2014 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ayon kay Benjo Basas, national chairman ng Teachers Dignity Coalition (TDC), ang kahalintulad na pelikula ang dapat i-produce at palaganapin sa mga manononood dahil nakapagbibigay ito ng inspirasyon sa kabataan.
Aniya, nagsisilbing huwaran ang pagpapakasakit ng mga bayani para maipaglaban ang karapatan ng mamamayan.
“Ang ganitong pelikula o arte ang dapat pagyamanin dahil nakapagdudulot o kapupulutan ng magandang aral,” pahayag ni Basas.
Ang pelikula na tumatalakay sa kasaysayan ni Gat. Andres Bonifacio, na ginampanan ni Robin Padilla, ay itinanghal na Best Picture sa MMFF Awards.
Umani ito ng siyam na tropeo subalit nabigong makuha ang Best Screenplay, Best Director, Best Actor at Best Actress na ikinadismaya ng ilang manonood.