Nangako ang Philippine long jump queen na si Marestella Torres ng mas magandang pagpapakita sa 2015 makaraan ang taas-babang performance nitong taon nang magbalik ilang buwan matapos manganak.

Ang 33-anyos at two-time Olympian ay nagsabing physically at mentally fit na siya para magsanay at lumahok sa elite tournaments, partikular ang Southeast Asian Games (SEAG) sa Singapore sa Enero.

“’Yung consistency at confidence ko sa laro ko, naibalik ko na,” ani Torres. “Maraming nagsasabi dati na mahihirapan akong makabalik, pero napatunayan ko naman na kaya ko pa.”

Noong Hunyo, pinatahimik ni Torres ang kanyang mga kritiko nang makopo ang gintong medalya sa Hong Kong Inter City sa itinalong 6.26 metro. Ito ay anim na buwan matapos niyang ipanganak ang sanggol na lalaki at tatlong buwan lamang na dikdikang pagsasanay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nalampasan niya ang 6-meter barrier sa kanyang lahat na pagtatangka, ngunit malayo ito sa personal best niya na 6.71m sa kanyang gold medal performance sa 2011 Indonesia SEAG.

Sinabi ni Torres na pakiramdam niya’y baguhan siyang mula sa kanyang unang international tournament mula nang maging isang ina.

“Sobrang kinabahan ako. Before ng tournament, sinabi ko sa sarili ko na kapag tumalon ako ng below 6 meters, ibig sabihin hindi na ako competitive, hindi ko na kakayanin. Pero nagawa ko naman,” turan ni Torres.

Sinubukan niya itong sundan sa Incheon Asian Games noong Setyembre, ngunit hindi siya naging matagumpay nang mabigong makumpleto ang kanyang tatlong attempt.

“’Yung Asian Games sana ang aim ko, pero siguro kulang pa talaga ako sa ensayo para sa ganung kataas na tournament,” aniya.

Sa halip na panghinaan ng loob, ginamit ni Torres ang nakadidismayang kampanya niya sa Asiad upang ikundisyon ang sarili sa mga paparating na torneo.

“’Nung nagbuntis ako, na-miss ko talagang maglaro. Nakita ko naman na kaya ko pa, basta makabalik lang ako sa dating kong fitness. Hindi lang naman Asian Games ang sukatan ng performance ko,” saad ni Torres.

Uumpisahan niya ang matinding pagpapakundisyon at pagsasanay sa pagpasok ng Enero bago targetin na makagawa muli ng impact sa National Open sa Marso upang makakuha ng isang slot sa PH team na sasabak sa SEAG. - Kristel Satumbaga-Villar