Kumilos ang isang beteranong mambabatas upang tugunan ang dumaraming reklamo laban sa mga videogame na nagtatampok ng karahasan at sa malalaswang billboard.

Ayon kay Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian, napapanahon nang pigilan ang pamamayagpag ng mga videogame na nagpapakita ng karahasan, gayundin ang malalaswang billboard, kaya inihain niya ang House Bill 4947 na magbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) upang ma-regulate ang mga ganitong uri ng media.

Nakasaad sa HB 4947 na maging ang mga video game at billboard ay isasailalim na sa rebyu ng MTRCB, na magbibigay din ng karampatang rating para sa partikular na audience.

Sinabi ni Gatchalian na simula pa noong dekada ’90 ay marami nang bansa ang pinalawak ang saklaw ng regulasyon sa pelikula at telebisyon, partikular sa pag-classify sa mga ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ay bunsod ng pagtindi ng impluwensiya ng mga video game sa larangan ng visual entertainment sa mundo.

“These regulatory bodies have also focused on ensuring that video games with mature themes do not fall into the hands of those too young to properly process the graphic and violent scenes they are controlling on the screen,” paliwanag ng dating alkalde ng Valenzuela City.

Sa ilalim ng HB 4947, isasailalim ang mga video game sa iba’t ibang kategorya, tulad ng “general patronage,” “parental guidance suggested,” “restricted,” at “not for public viewing” tulad ng mga pelikula at palabas sa telebisyon.

Kapag naisabatas, bibigyan ng HB 4947 ng karagdagang kapangyarihan ang MTRCB na i-veto, burahin ang mga hindi kanais-nais na bahagi o aprubahan ang isang video game o billboard na mga tradisyon at kulturang Pilipino ang gagamiting panuntunan.

Bibigyan din ng panukala ng kapangyarihan ang MTRCB na ipasara ang mga establisimiyento na nagbebenta o nagpapagamit ng video game na labag sa mga probisyon ng HB 4947. - Ben Rosario