Ni ELLAINE DOROTHY S. CAL
Ang pagpasok ng Bagong Taon ay senyales din ng pagbubukas ng bagong yugto para sa mga Pilipino na taunang umuukit ng kasaysayan. Ngayong 2014 ay binalot ng kontrobersiya ang ilang personalidad at maging ang mga ordinaryong Pilipino. Hindi rin nakaligtas ang bansa mula sa mga kalamidad at aksidente.
Narito ang pinakamalalaking balita ngayong taon na umukit ng kasaysayan para sa Pilipinas:
VHONG NAVARRO VS CEDRICK LEE
Enero 25 nang napabalita ang umano’y pambubugbog sa komedyante at TV host na si Vhong Navarro. Kasunod nito, natukoy, batay sa isang police report, ang pagkakasangkot ni Navarro sa kasong rape laban sa modelong si Deniece Cornejo. Pero kalaunan ay ibinulgar ni Navarro ang pananakot at tangkang pangingikil sa kanya ng grupo ng negosyanteng si Cedrick Lee, na nang tinanggihan niya ay pinagtulung-tulungan siyang gulpihin ni Lee, kasama ang limang iba pa, sa loob ng condo unit ni Cornejo sa Taguig City.
Ilang buwan na nakulong sina Cornejo, Lee, kapatid nitong si Bernice, at ang iba pang suspek, pero nakapagpiyansa ang mga ito.
PAGBISITA NI OBAMA
Abril 28-29 nang bumisita sa bansa si US President Barack H. Obama upang makausap nang personal si Pangulong Benigno S. Aquino III hinggil sa mga paraan upang mapaigting ang pangmatagalang bilateral at diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa.
3 SENADOR SA ‘PORK BARREL’ SCAM
Nasangkot sa P10-bilyon pork barrel scam at kinasuhan ng plunder at graft sina Senators Ramon “Bong” Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.
Hunyo 20 nang sumuko sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City si Revilla ilang oras matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya. Hunyo 23 naman nang sumuko si Estrada, at Hulyo 4 naman si Enrile.
Ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles ang itinuturong utak sa scam, na ginagamit umano ng ilang mambabatas ang bahagi ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF), sa tulong ng sinasabing mga pekeng NGO ni Napoles, para sa personal na interes.
BAGSIK NG ‘GLENDA’
Hulyo 16 nang magdilim ang halos buong Metro Manila at mga karatig na lugar dahil sa malawakang brownout na dulot ng bagyong ‘Glenda’ (international name: Rammasun). Inulan din ang Quezon, Rizal, Cavite, Batangas, Marinduque, Camarines Sur, Bulacan, Zambales, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Northern Samar.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 98 katao ang namatay sa bagyo at umabot sa P1.6 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P9.1 bilyon naman sa agrikultura.
PERHUWISYO NG MRT
Ngayong taon ay sunud-sunod ang pagkaantala ng biyahe ng Metro Railway Transit (MRT). Lumabas pa nga sa barriers ng EDSA-Taft Station ang isang tren ng MRT noong Agosto 14 at ilang pasahero ang nasaktan. Matapos ito ay sunud-sunod na ang mga kapalpakan sa mga biyahe, tren at pasilidad ng MRT.
PANGAMBA VS EBOLA
Agosto 25 nang inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang posibleng pagpapauwi sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga bansang apektado ng epidemya ng Ebola virus sa West Africa, kabilang ang Sierra Leone, Liberia, at Guinea. Base sa ulat ng World Health Organization (WHO), 7,842 ang kumpirmadong namatay sa sakit, habang mahigit 20,000 naman ang nahawahan.
ICE BUCKET CHALLENGE
Agosto nang ang simpleng paghamon na sinimulan online ay umani ng napakaraming suporta sa iba’t ibang panig ng mundo. Layunin ng tinaguriang “Ice Bucket Challenge” na palaganapin ang kaalaman ng publiko sa sakit na amyotrophic lateral sclerosis (ALS) at hikayatin ang publiko na mag-donate para sa pananaliksik sa nasabing sakit na ito.
Sa Pilipinas, nagsagawa ng kani-kanyang tao ang mga celebrity, gaya nina Anne Curtis, Lea Salonga, gayundin ang ilang pulitiko, kabilang sina Sen. Bam Aquino at Justice Secretary Leila De Lima.
SI BINAY AT ANG MAKATI CITY HALL BLDG. II
Setyembre 1 nang isagawa ang ocular inspection sa umano’y overpriced na Makati City Hall Building II na ipinatayo ni Vice President Jejomar Binay noong alkalde pa ito ng Makati taong 2007 at nakumpleto sa termino ng kanyang anak na si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay. Ang “worldclass” na gusali ay may 11 palapag at ginastusan umano ng P2.5 bilyon ng pamahalaang lungsod, ayon sa initial assessment ni Senator Antonio Trillanes IV. Sa paniwalang may anomalya, ikinasa ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang imbestigasyon at nabulgar ng mga resource person ang iba pang umano’y anomalyang kinasasangkutan ng Bise Presidente.
JENNIFER LAUDE
Oktubre 11 nang patayin si Jeffrey “Jennifer” Laude, isang transgender mula sa Olongapo City, at pangunahing suspek ang miyembro ng US Marines na si Private First Class Joseph Scott Pemberton, miyembro ng military contingent na nakibahagi sa naval exercise, katuwang ang mga sundalong Pinoy, sa Zambales.