“I’LL be home for Christmas”. Bahagi ito ng lyrics ng awiting-Pamasko na noon hanggang ngayon ay pumapailanlang sa himpapawid sa pamamagitan ng radyo. Madamdamin at nakaaantig ng puso ang awiting ito, nakatutuwang malaman na si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo, ang Aling Maliit na mahigit dalawang taon nang naka-hospital arrest, ay pinayagang makauwi sa kanyang tahanan mula Disyembre 23 hanggang 26.
Malaki ang nagawa ni Pope Francis, ang aking Lolo Kiko, na dadalaw sa Pilipinas sa Enero 15-19, 2015 para mapalambot ang puso ng Sandiganbayan upang ang dating Pangulo at ngayon ay kinatawan ng Pampanga, ay pagkalooban ng 4-day Christmas furlough na isa raw “miracle holiday courtesy of Pope Francis.” Isipin ninyo, dadalaw ang Papa sa Pinas, pero bakit ayaw pahintulutang makauwi sa tahanan si GMA. Ito ang dahilan kung bakit binigyan ng furlough si Aling Gloria. Si Lolo Kiko rin ang namagitan upang malusaw ang umiiral na Cold War” sa pagitan ng komunistang Cuba at ng US sa nakalipas na 56 taon. Pinagkasundo ng Papa ang bansa ng machong si Fidel Castro at ng palalong nasyon ni Uncle Sam upang malusaw ang malamig na relasyon at muling mapag-init. Imagine, ang Cuba ay 93 milya lang ang layo sa pinakamalapit na estado ng US.
Tulad ng nalathalang balita hinggil sa tatlong lider na gusto raw ng mga tao na pumalit kay PNoy pagbaba nito sa puwesto sa 2016, hindi na naman nakapanayam ang kolumnistang ito sa hanay ng 1,800 respondent na tinanong ng Social Weather Station. Ang tatlo ay sina VP Binay na nagtamo ng 37%; si Sen Grace Poe ay 21%; at si DILG Sec. Mar Roxas ay nagkamit ng 19%.
Gayunman, may duda pa rin ang mga Pinoy sa SWS survey results na ito. Una, sino ang kinomisyon o nagbayad sa survey na ito na tanging 1,800 tao lamang ang tinanong? Pangalawa, maraming matitino at politically conscious na mamamayan ang marahil ay hindi natanong tungkol sa bagay na ito kung kaya papaano mo ito paniniwalaan.