Sa pagtatapos sa unang round ng eliminations, umungos ang manlalaro ng Ateneo de Manila University (ADMU) na si Mike Nieto sa UAAP Season 77 juniors basketball Most Valuable Player race.

Base na rin sa mga numero na ipinalabas ng official statistician ng liga na Imperium Technology and Smart Bro, nakatipon si Nieto ng 69.8571 statistical points upang lagpasan ang mahihigpit na katunggaling sina Aljun Melecio ng La Salle Zobel at si Mark Dyke ng National University (NU) na nagtabla sa ikalawa at ikatlong puwestso sa naitalang 67.4286 SPs.

Si Nieto, na siya ring tumapos sa 22-game winning streak ng NU Bullpups sa pamamagitan ng kanyang game-winning lay-up na nag-angat sa Blue Eaglets, 66-64, at kumumpleto sa kanilang first round sweep, ay pumang-apat sa league scoring leaders sa kanyang average na 15 puntos at ikaapat din sa rebounding leaders sa kanyang average na 10.4 kada laro.

Nasa ikaapat na puwesto naman ang kanyang kakambal na si Matthew Nieto na may 62.5714 SPs kasunod si Joaquin Banzon ng La Salle na may 55.5714.SPs.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Si Melecio ang siyang nanguna sa scoring department sa kanyang naiposteng average na 16.4 puntos, gayundin sa assists (6.0 ), habang pumagangalawa naman ito sa steals ( 1.7).

Pumangalawa naman si Banzon sa scoring sa kakamping si Melecio sa kanyang average na 15.4 puntos at siya ang nasa unahan bilang steals leader sa kanyang average na 2.1 kada laban.

Nasa unahan naman si Dyke sa rebounding (13.3) at ikapito sa scoring (14.3) habang katabla naman ni Matthew ang kakamping si Jolo Mendoza sa average nilang 14.9 puntos at puumangalawa siya kay Melecio sa assists (3.3).

Samantala, matapos ang dalawang linggong holiday break, magpapatuloy ang aksiyon sa second round sa Enero 7 sa Blue Eagle Gym.