MISTULANG maiiba ang iyong mundo kapag nasa harapan ka ng munisipyo ng Calaca, Batangas sa masisilayan mong iba’t ibang mukha ng Pasko sa iba-ibang kontinente.
Ang ‘Christmas Around The World’ display ayon kay Mayor Sofronio Manuel ‘Boogle’ Ona ay nakapagpapasaya hindi lamang sa kabataan kundi maging sa mga ama at ina, mga lolo at lola.
“It brings back childhood days,” ani Mayor Ona.
Kakaibang sigla kasi ang nadarama ng bawat taong nagtutungo sa munisipyo pero hindi niya inasahan na pati matatanda ay matutuwa sa kanilang ideya ayon sa alkalde.
Makikita sa Christmas display ang Hong Kong Disneyland at pati na ang mga bansang Germany, France, Holland, Great Britain, Russia at siyempre ang Pasko sa Pilipinas.
Hindi rin kinalimutan, siyempre pa, ang batang si Hesus na ipinanganak sa sabsaban.
Makukumpleto ba naman ang Pasko kung walang Santa Claus at Christmas Tree?
DINARAYO NG MGA TURISTA
“Nasa 300 hanggang 400 katao ang nakakapunta dito araw-araw lalo na sa gabi para lang makita ang Christmas display namin,” ayon kay Mayor Ona.
Sa gabi makikita ang makikinang na ilaw at maririnig ang mga awiting pamasko kaya aliw na aliw umano ang mga dumarayo.
Bukod sa mga taga-Calaca, dinarayo ng mga taga-ibang bayan at maging mga turistang dayuhan ang display.
Karamihan sa mga bumibisita ay kumukuha ng mga larawan at inilalagay sa Facebook kaya nakikita nilang nagmula sa iba’t ibang lugar ang dumadalaw ngayong Kapaskuhan sa Calaca.
Sa buhos ng maraming tao, isinasara ang kalsada sa harap ng munisipyo pagdating ng Biyernes ng hapon hanggang Linggo para sa seguridad ng mga tao at iwas-aksidente.
DAHIL SA BAYONG YOLANDA
Nagsimula ang munisipyo ng Calaca na maglagay ng Christmas display noong nakaraang taon mula sa ideyang bigyan ng pag-asa ang mga nabiktima ng bayong Yolanda.
Sa halip na ilayo sa mga empleyado at mga taga-Calaca ang kasiyahan ng Pasko dahil sa malakas na bagyo, naging inspirasyon nila ang mga taong hindi nawawalan ng pag-asa sa kabila ng sakuna.
Naglagay sila ng White Christmas Display noong nakaraang taon na naipalabas sa iba’t ibang TV networks.
Kaya ngayong Disyembre, pagkaalis ng bagyong Ruby, inilagay din nila ang bagong display na sadya nang nakaplano bago pa man magkaroon ng bagyo.
Bawat palapag ng munisipyo ay may kani-kaniyang toka at gastos sa Christmas display na tanging ‘pride’ ang premyo
“Pagdating ng hapon mga bandang 6:00 PM, nakaabang kami sa harap ng munisipyo, tinitingnan namin kung kaninong display ang maraming pumupunta at nagpapakuha ng picture, asaran na kami kung kaninong display ang dinudumog,” masiglang kuwento ni Mayor Ona.
Aniya, taun taon na silang maglalagay ng display na may iba’t ibang tema tuwing sasapit ang Pasko hanggang araw ng Bagong Taon.