Bigo ang ‘gapos’ gang na pagnakawan ang mag-asawang negosyante, makaraang madakip ang tatlo sa anim na miyembro nito sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Sa panayam kay Senior Supt. Rhoderick C. Armamento, hepe ng Valenzuela Police, kasong robbery and serious illegal detention ang kinakaharap na kaso ng mga suspek na sina Aries Torriefiel, 25, ng Block 2A, Kaingin 1, Pansol, Quezon City; Reginaldo Peralta, 52, taxi driver, ng No. 14 J. Narra Street , Fortune Village, Parada, Valenzuela City at Jesus De Guzman, 45, conductor, ng No. 42 Liwanag Street, Diliman, Quezon City.

Nakatakas naman ang tatlo pa nilang kasamahan na nakilala lamang sa alyas na “Maton,” “Ben” at “Junior.”

Mismong ang mga pulis na nagresponde ang nag-alis ng packing tape sa mga bibig at pagkakatali sa mga kamay at paa ng mga biktimang sina Jimmy Go, 52, asawa niyang si Jacquel, 49; at mga kasambahay na sina Eloisa Maynes, 24 at Jovy Amparado, 26.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa report ni Robert Medrano Jr., bandang 4:30 ng hapon, napadaan si PO3 Henry San Pablo Jr., sa tapat ng bahay ng mga Go sakay ng kanyang motorsiklo nang parahin siya ng kapitbahay ng pamilya Go dahil matagal na itong kumakatok pero walang nagbubukas ng pinto.

Napilitan pumasok si PO3 Pablo sa gate hanggang sa lumabas si Torriefiel at sinabing may mga armadong lalaki sa loob ng bahay.

Nakita ni De Guzman ang pagdating ng mga pulis kung kaya tumalon ito sa bubong hanggang sa mapilayan habang Peralta ay nakorner ng mga pulis.

Lusot na sana sa kaso si Torriefiel pero nakita sa CCTV na siya mismo ang nagbukas ng gate at nagpapasok sa lima pang suspek.

Narekober ang mga cellphone, pero hindi na nabawi ang ibang mga alahas at P200,000 cash na natangay ng mga nakatakas na suspek.