GENERAL SANTOS CITY - Isang lalaki na pinaniniwalaang sabog sa droga ang biglang pumasok sa loob ng isang FM radio station sa siyudad na ito at hinostage ang mga disc jockey at empleyado noong Sabado.

Naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Gabby Batican, residente ng Polomolok, South Cotabato matapos ang isang oras ng hostage drama sa loob ng Campus Radio, isang affiliate radio station ng GMA network, malapit sa pamilihang bayan.

Sinabi ni Joel Leybag, radio technician, na dumating si Batican sa istasyon dakong 12:00 ng tanghali at nagpaalam na makikigamit ng telepono dahil hihingi siya ng tulong sa pulisya bunsod ng banta sa kanyang buhay.

Agad na tumawag si Leybag sa Police Station No. 6 upang hilingin sa pulisya na magtungo sa kanilang istasyon at tulungan si Batican.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Subalit sa pagdating ng mga pulis, biglang naburyong si Batican at pinagsusuntok ang mga ito.

Nagtangkaing arestuhin ng mga pulis, hinataw pa umano ni Batican ang salamin ng radio booth bago hinostage ang mga disc jockey na sina Angel Untal, Jairish Albios at Junie Baticbatic.

Sinabi ni Chief Insp. Janmar Remurado, hepe ng PS No. 6, na puwersahang pumasok ang mga pulis at inaresto si Batican matapos ang isang oras na pakikipagnegosasyon sa suspek. - Joseph Jubelag