Matapos ilang ulit na tablahin, pinayagan na rin ng dalawang sangay ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating Technology Resource Center (TRC) Director Dennis Cunanan na makabiyahe sa United States matapos siya ilaglag sa Witness Protection Program (WPP).

Nahaharap sa mga kasong katiwalian sa tatlong sangay ng Sandiganbayan kaugnay sa pork barrel scam, pinayagan na rin ng First at Fifth Division ng Sandiganbayan na makabiyahe sa US mula Disyembre 29 hanggang Enero 20.

Sa isang resolusyon na may petsang Disyembre 16, sinabi ng First Division: “The accused-movant submitted a Manifestation informing the Court that his coverage under the Witness Protection Security and Benefit Program (“WPP” for short) had been terminated and that he is no longer a prospective government witness...”

“After deliberating on the matter, the Court resolved to grant accused Cunanan’s motion to travel,” ayon sa FD na nagtalaga ng P120,000 travel bond kay Cunanan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Noong Disyembre 9, nagpalabas din ng resolusyon ang Fifth Division na nagbibigay permiso kay Cunanan na makabiyahe subalit nagtalaga lamang ng P60,000 travel bond.

Binalaan ng Fifth Division ang dating TRC chief na ibabasura ang mga petisyong makabiyahe sa mga susunod na panahon kung mabibigo itong sumipot sa korte limang araw matapos itong bumalik sa bansa mula US.

Bagamat tinabla ang mga una nitong inihaing petisyong para makabiyahe, pinayagan na rin ng Fifth Division si Cunanan magtungo sa US noong Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 16 at Nobyembre 18 hanggang Disyembre 2 sa Germany subalit hindi ito nakaalis ng Pilipinas dahil hindi pinayagan ng dalawa pang sangay ng Sandiganbayan.