Ni FRANCIS WAKEFIELD
Naniniwala si Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Teresita Quintos Deles na makatutulong ang extended holiday truce ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng komunista upang hindi maapektuhan ang isinasagawang rehabilitasyon sa mga komunidad na sinalanta ng bagyong “Ruby.”
Ito ay bilang reaksiyon sa pagdedeklara ng joint suspension of military and police operations (SOMO-SOPO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) laban sa Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front (CPP/NPA/NDF) na magsisimula sa Disyembre 19, 2014 hanggang Enero 19, 2015.
Ito, aniya, ay magbibigay pagkakataon sa mga disaster response unit, aid worker at lokal na pamahalaan upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga komunidad na nagupit ni ‘Ruby.’
“Ang truce ay kaugnay sa tradisyon ng gobyerno tuwing Pasko. Tulad nang ating hinahangad upang mabigay daan sa mapayapa at masayang pagdiriwang ng mga mamamayan ngayong banal na panahon at pagsalubong ng Bagong Taon na puno ng pag-asa,” ayon kay Deles.
Sinabi ng opisyal na malaki rin ang maitutulong ng unilateral ceasefire na isinasagawa sapaghahanda sa pagbisita ni Pope Francis sa mga lugar na nasalanta ng super typhoon “Yolanda.”
“With the silencing of guns, our preparations for and celebration of Pope Francis’ visit may be carried out with undistracted reflection and prayers and deep hope for abundant blessings to be showered on our people,” dagdag niya.
Sa kabila ng pagdedeklara ng SOMO-SOPO, tiniyak ng militar at pulisya na patuloy nilang ipapatupad ang batas upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan habang nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.