LIMITED TIME ONLY ● Magugunita ang awiting “Sa Maybahay ang Aming Bati” partikular sa lirikong “Araw-araw ay magiging Pasko lagi” ang napabalitang libre sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon ang toll sa SkyWay, SLEX, at STAR Tollway. Malaking kaginhawahan ito para sa ating mga motoristang araw-araw na gumagamit ng naturang mga superhighway. Ayon daw sa pamunuan ng nabanggit na mga superhighway, ang libreng toll na ito ang pamaskong handog nila sa mga motorista sa Disyembre 25, 2014 at Enero 1, 2015, simula 10:00pm ng Disyembre 24 hanggang 6:00am ng Disyembre 25; simula ng 10:00pm ng Disyembre 31 hanggang 6:00am ng Enero 1, 2015.

Handa rin daw ang pamunuan ng dalawang expressway sa pagdagsa ng mga motorista na pauwi ng probinsya at paluwas ng Maynila sa panahon ng Pasko. Ang malaking plus pa nito, magpapatupad sa mga expressway ang traffic at security operations simula Disyembre 21 hanggang Enero 4, 2015 na aayuda sa mga magkakaroon ng problema sa daan; tatawagan lamang ang SkyWay hotline 776-7777 at ng MATES, 0917-687-7539. Sapagkat malinaw ang pamunuan hinggil sa pamaskong handong na ito, aasahan ng mga motorista na walang maniningil ng toll fee sa dalawang expressway. At kung sakaling may maningil, isumbong agad sa nabanggit na dalawang hotline.

***

MAPAYAPANG UMAGA ● Kaysarap damhin ang pagsisimbang gabi ngayong taon. Naroroon kasi ang karaniwang makikita sa paligid ng simbahan: mga vendor ng mga kakanin, lalo na ang puto bumbong, bibingka at palitaw; may lugaw rin na kahit hindi natin mawari ang lasa ay kinakain pa rin natin sapagkat maginhawa ang init sa dibdib at tiyan. Ang loob at labas ng simbahan ay may mga palamuting naghuhudyat na Paskung-Pasko na talaga. Ngunit ang mas nakamamanghang pagmasdan ay ang mga alagad ng batas na matiyagang nagmamanman ng mga aktibidad patungo sa simbahan. At patuloy silang magmamanman, magbabantay, at pananatilihin ang ang katiwasayan ng okasyon hanggang sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Aabot din ang kanilang pangangalaga ng kapayapaan hanggang sa selebrasyon ng Itim na Nazareno sa Enero 9 at ang pagbisita ni Pope Francis sa Enero 15. Sana laging ganito, sana araw-araw Pasko.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho