Isang batas ang ipinanukala ng Kongreso upang ilipat ang Philippine Sports Commission (PSC) mula sa kinatitirikang opisina sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila tungo sa magiging bago nilang bahay sa Clark, Pampanga.

Ito ang sinabi mismo ni PSC Chairman Richie Garcia sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum kung saan ang panukala ay inaakda ni Davao Del Sur Congressman Anthony del Rosario at Congressman Yeng Guiao ng Pampanga kasama ang iba pang Kongresista na naglalayong ilipat ang tahanan ng PSC sa Clark.

“There is a bill in Congress now recommending the transfer of Rizal Memorial Coliseum and the PSC administration to Clark in Pampanga. Hindi na talaga conducive ang pasilidad sa Vito Cruz para sa training and accommodation of our national athletes,” sabi ni Garcia.

Ang Clark ang una nang pinaplano ng ahensiya, kasama ang Philippine Olympic Committee (POC), na siyang pagtayuan bilang moderno at makabagong national training center ng pambansang atleta.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinaliwanag naman ni Garcia ang kabiguan ng bansa na makamit ang inaasam na tagumpay na katulad sa nakaraang 17th Asian Games noong Setyembre na aniya’y hindi repleksiyon ng pangkalahatang estado ng Philippine sports ngayong 2014.

“We cannot judge the status or situation of Philippine sports based on one event alone,” pahayag ni Garcia.

“It will have to be assessed based on the entire year,” ayon pa kay Garcia, siyang tumayong Chief-de-Mission ng Philippine team na lumahok sa Asian Games sa Incheon, South Korea.

Una nang hinulaan ni Garcia na magwawagi ng 6 hanggang 7 gintong medalya ang bansa sa Asian Games subalit isa lamang ang nagawang mapanalunan sa tulong ng Fil-American BMX rider na si Daniel Caluag.

Inamin ng PSC chief sa PSA forum na naging dismayado ito sa resulta sa Incheon dahil siya ang namuno sa delegasyon. Gayunman, hindi ito nagturo kung sinuman ang dapat sisishin.

“We did not win the number of gold medals we wanted to win but there’s no one to blame but the breaks of the game. Finger-pointing should stop,” giit pa nito.

“You cannot blame the coach, the athlete or the PSC. You cannot win all the time. I was disappointed but not mad. As long as our athletes give their best we should be proud of them,” dagdag pa nito.