HINDI nagdalawang-isip ang isa sa mga tinitingalang rapper ngayon na si Abra na tanggapin ang gagampanang papel sa Kubot: The Aswang Chronicles nang ialok ito sa kanya.
“Napanood ko kasi ‘yung Tiktik, sobrang nagandahan ako. Ang ganda ng quality, ang ganda rin ng kuwento. ‘Tapos sinabi nila sa akin kung sino makakasama ko, kung sino’ng magdidirek. ‘Tapos ‘yung parte ko, gusto ko rin na minimal lang ‘yung acting,” kuwento ni Abra.
“Noong nakita ko ‘yung trailer ng Kubot, ‘tapos no’ng syinut namin, parang… ano’ng nangyari? Nakakatuwa kasi ang ganda ‘pag tapos na,” nakangiting pahayag ng magaling na rapper.
Kung ang ibang mga baguhang artista ay nakakadama ng kaba kapag isinabak na sa tunay na aktingan, hindi raw iyon naramdaman ni Abra.
“Wala namang kaba. No’ng simula, medyo meron, pero no’ng tapak do’n sa set, si Direk (Erik Matti), cool lang, eh. ‘Oh, ganito ‘yung mangyayari…’ So, ako naman, okay lang. Cool lang siya habang nagsu-shoot kaya nawala lahat ng pressure. ‘Yung acting namin, parang natural lang lahat,” kuwento ni Abra.