Ni JC BELLO RUIZ

Suportado ng Malacañang ang inisyatibo ng ilang lokal na pamahalaan na magpatupad ng total firecrackers ban sa bansa.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. na makabubuti sa sambayanan ang isinusulong ng ilang lokal na pamahalaan na ipagbawal ang mga paputok sa bansa upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan tuwing ipinadiriwang ang Pasko at Bagong Taon.

“Most welcome po ‘yon, ‘yung kanilang inisyatiba na magkaroon ng regulasyon hinggil diyan, dahil nag-uumpisa talaga ‘yan sa grassroots o community level ,” pahayag ni Coloma sa panayam ng DzRB.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kabilang ang pamahalaan ng Baguio City sa hindi na nagpapalabas ng permit to sell sa mga paputok at pailaw upang maisulong ang ligtas na Pasko at Bagong Taon sa siyudad.

Bukod sa nagdudulot ng kapahamakan sa mga gumagamit nito, may ilang insidente rin na ang mga paputok ang pinagmulan ng malalaking sunog sa Metro Manila tuwing Pasko at Bagong Taon.

“Kung mismong sa mga barangay ay mananaig ‘yung paniwala na dapat maging ligtas ‘yung ating pagdiriwang ng New Year ay ‘yan po ang pinaka-epektibong hakbang para nga po matamo ‘yung ganap na kaligtasan para sa lahat,” pahayag ni Coloma.

Bagamat suportado ng gobyerno ang isinusulong na total firecrackers ban, sinabi ng opisyal na dapat bigyan ng konsiderasyon ang mga gumagawa at nagbebenta ng paputok na posibleng mawalan ng kabuhayan kapag tuluyang ipinatupad ang panukala.

Ayon sa gobyerno, malaki na ang ibinaba ng benta ng paputok at pailaw sa bansa bunsod ng malawakang kampanya ng Department of Health (DoH) at iba pang ahensiya ng pamahalaan laban sa firecrackers, partikular ang “Oplan Iwas Paputok” na ipinatupad nitong mga nakaraang taon.