Kobe Bryant

MINNEAPOLIS (AP) – Muling gumawa ng kasaysayan si Kobe Bryant.

Nalampasan na ng Los Angeles Lakers star si Michael Jordan sa ikatlong puwesto sa scoring career list ng NBA kahapon sa 100-94 pagwawagi laban sa Minnesota Timberwolves.

Pumasok si Bryant si laro na nangangailangan ng siyam na puntos upang makalampas sa icon na siyang lagi siyang ikinukumpara. Nakuha niya ang marka sa dalawang free throws sa huling 5:24 ng ikalawang yugto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ngayon, tanging sina Kareem Abdul-Jabbar at Karl Malone na lamang ang may nakaiskor ng mas maraming puntos kaysa kay Bryant.

‘’I congratulate Kobe on reaching this milestone,’’ pahayag ni Jordan, ang may-ari ng Charlotte Hornets, sa isang statement na ipinadala sa The Associated Press. ‘’He’s obviously a great player, with a strong work ethic and has an equally strong passion for the game of basketball. I’ve enjoyed watching his game evolve over the years, and I look forward to seeing what he accomplishes next.’’

Hindi nabasag ni Bryant ang rekord noong Linggo ng gabi. Si Abdul-Jabbar ay mahigit 6,000 puntos pa ang lamang sa kanya at mahirap pang mahabol. Ngunit ang malampasan si Jordan ay isang dahilan upang magdiwang.

Ang dalawang manlalaro ay ilang taon nang pinaghahambing at madalas na ginagawa ni Bryant si Jordan mula noong kanyang unang pagtapak sa liga, sa pamamaraan ng kanyang pagsuntok sa hangin matapos ang isang malaking play hanggang sa fade-away jumper sa pag-usad ng kanyang career.

Itinigil ng Timberwolves ang laro, at ang Lakers-heavy crowd ay nagbigay kay Bryant ng standing habang ang may-ari ng Wolves na si Glen Taylor – ang chairman of the board ng NBA – ang nag-abot sa kanya ng game ball.

May malaking ngiti sa kanyang mukha, tumanggap si Bryant ng yakap mula sa mga kakampi at mga manlalaro ng Timberwolves, at kumaway sa crowd sa panandaliang pagkakatigil ng laro.

Halos dalawang dekada nang hinahabol ni Bryant si Jordan. Isang titulo pa ang kanyang kulang kumpara sa anim ni Jordan sa Bulls, ngunit sa ngayon ay nahabol na niya si Jordan sa defining individual statistic ng laro.

Tangan ni Bryant ang 32,284 puntos nang umapak sa court laban sa koponan ng Timberwolves na kinabibilangan ng 19-anyos na rookies na sina Andrew Wiggins at Zach LaVine, dalawang manlalaro na kapapanganak pa lamang nang unang sumabak si Bryant sa NBA noong 1996.

Nagmintis siya sa apat ng kanyang unang limang field goal attempts, ngunit naipasok ang isang 3-pointer sa kalagitnaan ng second quarter upang makalapit sa dalawang puntos. Muntik na niyang malampasan si Jordan sa kanyang patented na fall-away jumper mula sa baseline, ngunit tumalbog ito sa rim at sa nalalabing 5:24 at 24 segundo sa shot clock, nagtungo si No. 24 sa linya at kalmadong ipinukol ang dalawang freebies. Tinapos niya ang gabi na may 26 puntos at 32, 310 para sa kanyang career.

Kinailangan ni Bryant ng 1,269 laro upang makatuntong sa career scoring podium ng NBA. Nakahakot ni Jordan ang kanyang 32,292 puntos sa loob ng 1,039 regular season games.

Umusad si Jordan sa ikatlong puwesto noong 2003, at ang ituktok ng NBA scoring mountain ay hindi nagalaw sa loob ng halos 12 taon. Mula nang mag-umpisa si Bryant sa liga at maging elite scorer sa kanyang ikaapat na taon sa NBA, siya ay kinunsidera bilang siyang magkakaroon ng isang puwesto sa record books.

‘’Just like we’ve never seen another player like Michael Jordan, we will never see another player like Kobe Bryant!’’ ani ni Lakers Hall of Famer Magic Johnson sa Twitter.

Ang mas makaangat sa listahan ay magiging malaking hamon. Si Malone (36, 928) ay mahigit 4,500 puntos ang layo mula sa 36-anyos na si Bryant sa ikalawang puwesto at si Abdul-Jabbar (38, 387) ay nasa ituktok na may malaking margin.

Kung hindi man nalampasan ni Bryant si Jordan sa kanilang bakuran, at hindi ito nagawa kontra sa karibal na Celtics sa Boston, wala nang mas gaganda pang lugar na magawa niya ito kundi sa Minneapolis, ang pinagmulan ng Lakers franchise. Ang maalamat na “Laker Nation” ay malakas rito, at libo-libong fans na nakasuot ng purple at gold ang nanonood tuwing sila ay bumibisita.

Dumating sila upang makita si Kobe, at binigyan niya sila ng maliit na kasaysayan na mananatili sa kanilang alaala.