Hindi sisingilin ang mga motorista na darana sa apat na expressway sa Luzon sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Ito ay matapos magkaisa ang mga operator ng Tarlac-Pangasinan Expressway (TPLEx), South Luzon Expressway (SLEx), Metro Manila Skyway System (Skyway), at Southern Tagalog Arterial Road (STAR) na huwag maningil ng toll simula 10:00 ng gabi ng Disyembre 24 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 25; at simula 10:00 ng gabi ng Disyembre 31 hanggang 6:00 ng umaga ng Enero 1.
“The toll-free eves of Christmas and New Year has been a tradition followed on the Skyway System, SLEX and Star Tollway for many years as our way of sharing holiday cheers and expressing our gratitude to our motoring patrons,” pahayag ni Ado Diaz, hepe ng South Tollway Collection Group.
Samantala, tuloy ang paniningil ng toll ng mga motoristang daraan sa North Luzon Expressway (NLEx) at Manila-Cavite Toll Expressway (Cavitex) Ang NLEx at Cavitex ay nasa pangangasiwa ng Metro Pacific Tollway Corp. habang kontrolado ng San Miguel Corp. ang TPLEx, Skyway at STAR.
Inaasahang bibigat ang trapik sa mga expressway sa mga susunod na linggo dahil sa pagdagsa ng biyahero at kalakal papasok at palabas ng Metro Manila. (Kris Bayos)