ANG laban upang alisin ang “pork barrel” funds mula sa national budget ay inilipat sa bicameral conference committee na nagtutuwid ng mga pagkakaiba-iba ng mga bersion ng Kamara at ng Senado ng General Appropriations Act para sa 2015.

Ang “pork” - na pondo ng budget na magiging available sa ilang opisyal sa angkop na panahon – ay pinaniniwalaang may kasamang lump-sum appropriations na walang specific na mga proyekto at detalye. Apat sa mga lump-sum appropriations na ito ay may taglay lamang na mga titulo: “Unprogrammed Fund,” “E-Government Fund,” “Contingent Fund,” at “Local Government Support Fund.” May kabuuang P143.78 bilyon ang nakalaan sa ilalim ng apat na item na ito para sa mga proyektong hindi naman tinukoy.

Hangarin ng Senado na ituwid ang situwasyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng bersiyon nito ng budget law na ang pondo para sa lump-sum appropriations ay ilalabas lamang matapos isumite ang mga detalye ng bawat proyekto sa Kongreso.

Ang isa pang pinagtatalunan ay ang muling pagbibigay ng kahulugan sa “savings”. Ayon sa Kamara, ang mga budget para sa mga proyektong hindi nakumpleto ay maaaring tipunin bilang savings anumang panahon at gamitin para sa iba pang proyekto. Bubuksan nito ang posibilidad na sirain ng executive department ang mga proyektong aprubado ng Kongreso, sa pagkuha ng nakalaang pondo at ilipat ito sa proyektong napili nito. Hinangad na ituwid ito ng Senado sa pamamagitan ng pagtatanggal ng pariralang “at any time” mula sa General Appropriations bill upang ang koleksiyon ng naturang savings ay mangyayari lamang sa pagtatapos ng taon kapag walang dudang hindi na maipagpapatuloy ang isang proyekto.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Tulad ng inaasahan, nakahanda ang Department of Budget and Management para sa bersiyon ng Kamara ng panukala. At, sapagkat ang parehong kapulungan ng Kongreso ay kontrolado ng mga kaalyado ng administrasyon, ang bersiyon ng Kamara, kasama pati ang hitik na posibilidad, ay inaasahang manaig sa conference committee.

Maiiwang huling hadlang ang Supreme Court sa mga kampeon ng pork barrel. May ilang grupo na ang naghain ng kani-kanilang petisyon sa mga hukuman na kumukuwestiyon ng lump-sum appropriations at ang kahina-hinalang muling pagbibigay ng kahulugan sa savings.

Ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) at ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ay kapwa idineklarang unconstitutional ng Supreme Court ilang buwan na ang nakararaan. Umaasa tayo na titingnan ng hukuman ang mga bagong pandaraya upang maipagpatuloy ang pork barrel system at lapatan ng naaayong pagpapasya.