“Maganda ang programa, pero ang tanong ay kung handa ang gobyerno.”
Ito ang pananaw ni Pasig City Rep. Roman Romulo, chairman House committee on higher education, sa implementasyon ng Enhanced Basic Education program o Kto12, sa panayam ng mamamahayag.
Idineklara ng Department of Education (DepEd) na handang-handa sila para ipatupad ang programang nasimulan, gayundin sa pagtugon sa pangangailangan ng pagpapatayo ng senior high school classroom sa full implementation nito sa 2016.
Sinabi noon ni Rep. Romulo na bukod sa hindi mapupulitika, mas maayos nang naipagkakaloob ang scholarships program ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act 10648 o Iskolar ng Bayan Act of 2014.
“Nationwide na at hindi na kailangang magpunta sa tanggapan ng congressman, governor o mayor,” pahayag ni Pasig City Rep. Roman Romulo sa panayam ng Balita.
Aniya, awtomatikong iskolar ang top ten sa high school na makakapag-aral sa state universities and colleges (SUC) sa kanilang lugar.
“Alam agad ng CHEd (Commission on Higher Education) kung sino ang bibigyan ng scholarship na hindi katulad noon na hindi natin alam kung sinu-sino ang benepisyaryo,” wika pa ni Rep. Romulo.
Tiniyak ni Romulo na imo-monitor ng gobyerno ang mga iskolar hanggang sa makapagtapos at makapasok sa trabaho upang masiguro na napupunta sa makabuluhan ang pera ng bayan.
Idinagdag ni Rep. Romulo na kasalukuyan nilang binabalangkas ang Unified Financial Assistance System for Higher and Technical Education (UniFAST) bill para sa mga mahihirap ngunit hindi kasama sa top ten.
Iba naman ang pananaw ni Kabataan Rep. Terry Ridon sa Iskolar ng Bayan law at sinabing band aid solution lamang ito sa dropout rate dahil marami pa rin ang hindi makapagkolehiyo dahil mataas ang matrikula at iba pang bayarin.