Naghihintay ng tugon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa panawagan nito sa mga negosyante o manufacturer na magbaba ng presyo sa kanilang produkto dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis sa bansa.

Lumiham noong Huwebes ang DTI sa mga manufacturer upang pakiusapan ang mga ito na magpatupad ng price rollback sa mga produkto upang makinabang naman ang mga mamimili sa epekto ng mababang presyo ngayon ng petrolyo.

Limang araw ang ibinigay ng DTI sa mga negosyante para sumagot sa nasabing liham.

Gayunman, una nang inihayag ng ilang manufacturer na hindi sila maaaring agad na magbaba ng presyo ng mga bilihin dahil kung susumahin anila, ay maliit na porsiyento lang ang ambag ng pagbaba ng presyo ng petrolyo sa gastusin sa produksiyon, gayundin sa delivery ng kanilang produkto.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Pinoproblema pa rin ng mga negosyante ang port congestion at mataas na halaga ng raw materials, bukod pa sa dapat ikonsidera ang malaking demand o pangangailangan ngayong Disyembre kaya karaniwang tumataas ang presyo ng mga bilihin sa pamilihan.

Ikinatwiran ang mahigit 30 porsiyentong pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, sinabi ng DTI na kung pag-aaral ang pagbabatayan, maaaring magtapyas ng P0.99 sa bawat 25 gramo ng kape, P0.95 sa evaporated milk, P0.22 sa 155 gramo ng de-latang sardinas at mahigit P25 sa kada 25-kilo ng harina.