Umangat ang nakaraang taong losing finalist na Ateneo de Manila University (ADMU) sa ikatlong puwesto sa men’s division makaraang padapain ang University of the Philippines (UP), 25-17, 25-18, 25-23, kahapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Gaya ng inaasahan, namuno ang reigning MVP na si Marck Espejo sa nasabing panalo sa kanyang itinalang 17 puntos, kabilang dito ang 13 hits, 1 block at 3 service aces.

Sumuporta naman sa kanya ang mga kakamping sina Joshua Alexis Miguel Villanueva at Ysrael Wilson Marasigan na nag-ambag ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa panig naman ng kanilang kapitbahay sa Diliman na Fighting Maroons, iisa lamang ang tumapos na may double figure performance sa katauhan ni Christian dela Paz na nagtala ng 10 puntos.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi nakaporma ang Maroons nang paulanan sila ng hits ng Blue Eagles na nagtala ng 50 spikes kumpara sa ginawa nilang 23 hits, bukod pa sa 6 na service aces kumpara sa nag-iisang ace na naiposte ni Dela Paz.

Karamihan sa naging puntos ng Maroons sa nasabing laban na tumagal ng 1 oras at 5 minuto ay nanggaling sa errors ng Blue Eagles kung saan ay nakagawa ng 31 puntos ang una kumpara sa 15 ng huli.