Magkakasabay na sisimulan sa mga probinsiya ng Vigan sa Ilocos Sur, San Carlos City sa Negros Occidental at pinakabagong miyembro na Kalibo, Aklan ang gaganaping family-oriented at community based physical fitness program na PSC Laro’t-Saya, PLAY N’ LEARN sa Disyembre 21.

Sinabi ni PSC Laro’t-Saya project manager Dr. Lauro Domingo na una munang maglulunsad ang Tagum City sa Davao Del Norte sa darating na Disyembre 13 kung saan ay dadaluhan mismo ni PSC Chairman Richie Garcia kasama sina Congressman Anthony del Rosario at Mayor Allan Rellon ang aktibidad.

Kabuuang 12 sports ang nakahanay sa Tagum matapos idagdag ang lawn tennis, boxing, 3-on-3 at futsal sa mga ituturong sports, maliban pa sa mga regular na zumba, arnis, badminton, chess, karatedo, football, taekwondo at volleyball.

Pinag-iisipan naman ni dating national football player at ngayon ay San Carlos City Mayor Gerardo P. Valmayor Jr. ang pagkakadagdag ng dancesports sa nauna na nitong 12 napiling sports, kasama ang boxing at 3-on-3 basketball.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Optimistiko naman si Kalibo, Aklan Governor Florencio “Joeben” Miraflores at Vigan, Ilocos Sur City Mayor Eva Marie Singson Medina na makatutulong ng malaki ang programa sa pangangatawan ng kanilang nasasakupan, lalo na sa pagpapalawak ng kanilang programa sa sports sa mga kabataan sa probinsiya.

“Last week kami nagkasundo ng Aklan and they are very optimistic on the program. The governor even said during summer time ay dadalhin once a month ang Laro’t-Saya sa Boracay,” sinabi ni Domingo.

“We have yet to decide kung ano ang mga isasagawa nilang sports o may gusto silang idagdag,” giit pa nito.

Samantala, magkakaroon ng culminating activity ang Laro’t-Saya sa Disyembre 28 sa Burnham Green sa Luneta Park kung saan ay hahataw ang zumba marathon na may nakalaang premyo at gayundin ang volleyball challenge at football festival na lalahukan ng mga manlalaro sa iba’t ibang lugar.

Nakatakda ring ilunsad ang espesyal na aktibidad na PSC Laro’t-Saya Senior Citizen na sisimulan sa mga siyudad ng Bacolod, Cebu, Davao at Iloilo.

Inilunsad din noong Nobyembre 29 ang PSC Laro’t-Saya sa Baguio City bilang ika-12 nilang pinagsasagawaang lugar.

May kabuuang 217 katao naman ang nagpartisipa sa Aguinaldo Freedom Park sa Kawit, Cavite kung saan ay isinagawa ang zumba (157), taekwondo (18), badminton (15) at volleyball (47).

Umabot naman sa 425 katao ang nagpartisipa sa Laro’t-Saya sa QC Memorial Circle kung saan ay lumahok sa arnis ang 3 katao, badminton (3), football (14), karatedo (6), volleyball (15) at zumba (364).