Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
8 a.m. UE vs. La Salle (m)
10 a.m. UST vs. UP (m)
2 p.m. FEU vs. UE (w)
4 p.m. UP vs. UST (w)
Manatiling nasa ikalawang puwesto at target na ikalawang panalo ang kapwa tatangkain ng Far Eastern University (FEU) at University of Santo Tomas (UST) sa tampok na dalawang women’s matches ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Kapwa nabigo sa kanilang ikalawang laro, ang Lady Tamaraws sa kamay ng reigning champion Ateneo de Manila University (ADMU) at Tigresses sa dating kampeon na La Salle, tangkang makabalik sa winner’s track ang dalawang koponan sa pagsalang nila sa magkahiwalay na laban ngayong hapon.
Unang sasabak ang Lady Tams kontra sa season host University of the East (UE) sa ganap na alas-2:00 ng hapon bago sumunod ang Tigresses laban naman sa University of the Philippines (UP) sa ganap na alas-4:00 ng hapon.
Una rito, magtutuos sa unang dalawang laro sa men’s division ang UE Red Warriors at ang De La Salle Green Archers sa ganap na alas-8:00 ng umaga bago ang salpukan sa pagitan ng UST Tigers at ng UP Fighting Maroons sa ganap na alas-10:00 ng umaga.
Hangad ng Tigers ni coach Emil Lontoc na sumalo sa liderato sa men’s division na hawak ngayon ng reigning back-to-back titlist National University (NU) Bulldogs sa pagpuntirya ng ikalawang sunod nilang panalo kontra sa Fighting Maroons na nais namang pumantay sa Adamson sa ikalawang puwesto mula sa kinalalagyang ikatlong posisyon na hawak ang barahang 1-1.
Mag-uunahan namang makabasag sa winner’s column ang Green Archers at ang Red Warriors na kapwa wala pang naipapanalo matapos ang unang dalawang laro.