nin ROMMEL P. TABBAD at JEFFREY G. DAMICOG

Ibinasura kahapon ng Sandiganbayan First Division ang mosyon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., at dalawa pang akusado sa multi-bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong plunder.

Idinahilan ng anti-graft court ang kawalan ng sapat na merito sa nasabing mosyon at pagkatukoy ng “strong evidence” laban kay Revila, sa sinasabing utak sa scam na si Janet Lim-Napoles at sa dating Chief of Staff ng senador na si Richard Cambe.

Inihayag ng hukuman na pinatunayan ng prosecuton panel na matibay ang “evidence of guilt” sa pagtutol nila sa naturang mosyon.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ang resolusyon ay isinulat ni First Division Chairman Efren Dela Cruz at pinagtibay nina Associate Justices Rodolfo Ponferrada at Rafael Lagos.

Sa paliwanag ni Joefferson Torribio, isa sa mga miyembro ng prosecution panel, sobra-sobra ang iprinisinta nilang ebidensiya at testimonial evidence na nagdidiin sa mga akusado sa pandarambong.

“We submit that with all documentary evidence and testimonies, we’ve not only presented high probability but the accused can be charged for plunder and that our evidence is overwhelming. This case before us represents the biggest corruption scandal in our country in 2013,” sinabi ni Torribio sa hukuman.

Iginiit naman ni Atty. Joel Bodegon, abogado ni Revilla, na nabigo ang taga-usig na magharap ng ebidensiya na magsasabing direktang sangkot sa scam ang senador, at idinagdag na hindi nailahad sa korte ng whistleblower na si Benhur Luy na direkta itong nakipagtransaksiyon kay Revilla sa pagkuha nito ng kickback.

Samantala, sinabi kahapon ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada—na kinasuhan din ng plunder kaugnay ng pork barrel scam—sa mga mamamahayag na, “Ako ay naniniwala na malinis ang konsensiya ni Senator Bong Revilla.”

Kasabay nito, inamin niyang nangangamba siyang makaapekto ang nasabing resolusyon ng Sandiganbayan sa sarili nilang petisyon para makapagpiyansa.

“Ako ay nangangamba rin na magkaroon ng adverse effect ‘yung bail hearing ko rito sa Fifth Division ng Sandiganbayan,” ani Estrada. “Nevertheless I am certain and confident that the court will grant me bail because of the weak evidence presented against me.”

Kasama sina Estrada at Cambe, nakapiit ngayon si Revilla sa Philippine National Police-Custodial Center sa Camp Crame, habang sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City naman nakakulong si Napoles.