TACURONG CITY, Sultan Kudarat – Tatlong hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay noong Lunes sa pakikipagsagupaan sa militar sa Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao.

Sinabi ni Capt. Jay Maniwang, Civic Military Operations Officer ng 601st Army Brigade, na nakaengkuwentro ng mga tauhan ng 45th Infantry Battalion ang may 30 kasapi ng BIFF habang nagpapatrulya sa Barangay Nabundas sa Shariff Saydona Mustapha.

Aniya, ang grupo ng BIFF ay pinangungunahan nina Kumander Bisaya at Kumander Sanad na planong atakehin ang mga sundalo.

Narekober ng militar ang tatlong bangkay ng mga miyembro ng BIFF habang dalawang sundalo naman ang nasugatan sa labanan.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Kaugnay nito, nanawagan si Major General Edmund Pangilinan, commander ng 6th Infantry Division, sa mga lokal na opisyal at sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na tumulong sa pagsawata sa mga pag-atake ng BIFF upang mapanatili ang kaayusan sa lugar. (Joseph Jubelag)