HINADLANGAN ni Alaina Bergsma ng Petron ang atake ni Abigail Marano ng Generika habang umalalay naman si Dindin Santiago sa tagpong ito ng kanilang laban sa PSL Grand Prix finals sa Cuneta Astrodome. (Tony Pionilla)

Ibinulsa ng Petron Blaze Spikers ang karapatang iprisinta ang Pilipinas sa Asian Women’s Club Championships matapos na itala ang sariling kasaysayan na maging ikalawang koponan na sumungkit ng titulo sa popular na Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix na iprinisinta ng Asics noong Linggo sa Cuneta Astrodome.

Ito ay matapos na iukit ng Petron ang matinding apat na set na panalo, 25-21, 21-25, 25-15, 25-9, kontra sa karibal na Generika Life Savers sa matira-matibay na kampeonato upang lumapit sa posibleng pagtabon sa itinala ng dating kampeon na Philippine Army na may tatlong sunod na korona.

Hindi dinismaya ng Blaze Spikers ang mahigit na 6,000 kataong nanood sa kikilalaning Home of the Super Liga na Cuneta Astrodome matapos mainit na makipagsalpukan sa Life Savers sa loob ng isang oras at 15 minuto bago nito tuluyang iniuwi ang korona na binakante ng dating kampeon na Army.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, hindi naging madali ang kampeonato sa Petron matapos na gulantangin muna sola ng Generika sa pagsisimula ng laro kung saan limang sunod na pumuntos ang Life Savers at mapag-iwanan sa iskor na 1-7.

Subalit pinatunayan ng tinanghal na Most Valualbe Player at dating beauty queen na si Alaina Bergsma ang kanyang tunay na galing sa pagtala ng 24 puntos upang bitbitin ang Petron sa krusyal na ikatlo at ikaapat na set at itulak ang koponan tungo sa panalo.

Nag-ambag din ang 2014 No. 1 draft pick na si Dindin Santiago ng 14 habang si Frances Molina ay may 12 para sa Blaze Spikers na kinubra ang karapatang iprisinta ang bansa sa gaganaping Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championships sa Vietnam sa Abril 2015.

“Overwhelming, mixed emotions,” pagmamalaki ni Petron coach George Pascua.

“The girls, they did their best kasi sabi ko once na umabot ng fifth set ibang usapan na. Doon na lalabas ang championship experience na advantage ng Generika,” sinabi nito.

Napag-iwanan sa ikatlong set, 10-14, nag-init ang Petron upang itala ang nakakapasong 10-1 atake upang kamkamin ang ikalawang set na panalo sa 25-15. Hindi na nito binitiwan ang magandang laro matapos umalagwa sa mahigpitang 7-4 iskor sa paghulog ng 14-2 bomba upang lumapit sa korona sa 21-6 abante.

Itinala ng Petron ang kabuuang 17 blocks sa laban upang tuluyang pigilan ang Generika.

Samantala, tinanghal bilang individual awardees sina Lindsay Stalzer, ang unang Best Outside Spiker na mula sa Cignal, ikalawang Best Outside Spiker si Emily Brown ng RC Cola Air Force, unang Best Middle Blocker si Abby Marano ng Generika, ikalawang Best Middle Blocker si Dindin Santiago, Best Opposite Spiker si Natalia Korobkova, Best Setter si Erica Adachi ng Petron, at Best Libero si Jen Reyes ng Petron.