Nagpatuloy ang sorpresang pagratsada ng Lyceum of the Philippines University (LPU) nang iposte nila ang ikaapat na sunod na panalo upang patuloy na pamunuan ang juniors division ng NCAA Season 90 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa Pasay City.

Ginapi ng Junior Pirates sa loob ng tatlong sets ang Letran Squires, 25-19, 25-15, 25-8.

Kinailangan lamang ng Lyceum, sa pamumuno ni Jamaru Amagan na nagtala ng 21 puntos na kinabibilangan ng 11 hits at tig-5 blocks at aces, ng 47 minuto para madispatsa ang kapitbahay nila sa Intramuros.

Nag-ambag naman ng 10 puntos sa nasabing panalo na nagpalugmok sa Letran sa ikaapat nilang pagkatalo sa loob ng limang laro si Sean Alexis Escallar.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Samantala, sa ikalawang laban, nakabasag na rin sa wakas sa win column ang Lyceum Pirates sa seniors division matapos pataubin ang Letran Knights sa loob din ng tatlong sets, 27-25, 25-20, 25-22.

Nagtala ng tig-17 puntos sina Ludio Dulce at Joeward Presnede para pangunahan ang Pirates tungo sa unang panalo sa loob ng limang laro na nagsadlak naman sa Knights sa kanilang ikalimang pagkatalo sa loob ng anim na laro.

Nauwi sa wala ang game high na 21 puntos ni Rudy Gatdula dahil nabigo nitong isalba ang Letran.