Inilunsad kahapon bilang bahagi ng ika-75 taong anibersaryo ng Quezon City, ng Committee on Youth and Sports ng City Council at Scholarship Youth Development Program (SYDP) ang Linggo ng Kabataan 2014.
Nabatid kay Councilor Donato Matias, chairman ng naturang komite, ang isang linggong selebrasyon sa okasyong ito na may temang “Linggo Ng Kabataan 2014: Kabataang QC May Talino at Lakas Magsilbi,” ay sesentro sa mga aktibidad na magpapalawak sa kaalaman ng kabataan at magpapakilala ng kanilang papel sa lipunan.
Sinabi ni Mayor Herbert Bautista na layunin ng programang ito na mabigyang pagkakataong ang mga kabataan na higit na maging produktibong mamamayan.
Ilan sa mga aktibidad sa okasyon para sa mga kabataan ang pagkakaroon ng youth forum, heritage/eco tour, tree planting, science at climate change awareness fair at Musikabataan featuring P-POP artists league.