Ni JERRY ALCAYDE

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Agad na kumilos makaraang makatanggap ng tip mula sa isang nagmamalasakit na residente, tagumpay na napigilan ng pulisya ang planong panghoholdap sa isang gasolinahan sa pagpatay sa dalawa sa tatlong suspek, bagamat nasugatan ang isang pulis na nagpapatrulya malapit sa Barangay Lumangbayan sa siyudad na ito, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Supt. Glicerio C. Cansilao, hepe ng Calapan City Police, na hindi pa nakikilala ang dalawang napatay matapos mabigo ang pulisya na makakita ng anumang ID mula sa mga ito, maliban sa mga tattoo sa mga ito na “Bahala Na Gang” at ang isa ay may nakasulat na “Pablo” sa ibabaw ng tattoo ng Agila.

Nabawi rin ng pulisya mula sa mga ito ang tatlong ticket ng bus na may pasaheng P157 bawat isa na nagbigay ng ideya sa mga pulis na nanggaling sa Maynila ang mga suspek at nagtungo lang sa Mindoro para isagawa ang panghoholdap.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Cansilao na ang sugatang pulis, si Insp. Mark Son S. Almenarez, ay nabaril sa kaliwang binti matapos itong makipagbarilan sa dalawa sa mga suspek. Mag-isang rumesponde si Almenarez matapos makatanggap ng tawag sa tatlong kahina-hinalang lalaki ang umaaligid sa gasolinahan ng Shell sa nasabing barangay.

Si Almenarez, deputy chief ng Intelligence Branch ng Oriental Mindoro Police Provincial Office, ay pinarangalan kamakailan ni Gov. Alfonso Umali Jr. bilang isa sa mga natatanging pulis sa ika-64 anibersaryo ng lalawigan nitong Nobyembre 15.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang .357 revolver, apat na bala ng .38 caliber revolver, isang kutsilyo, tatlong cell phones at walong basyo ng .45 caliber pistol.

Pinaghahanap pa ng pulisya ang ikatlong suspek.