Naghain ng petisyon si dating Iloilo Rep. Augusto Syjuco Jr. upang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang constitutionality ng P2.6 trilyon na 2015 national budget dahil naglalaman umano ito ng lump sum sa National Expenditure Program (NEP) na maituturing na “pork barrel fund.”

Sa kanyang petisyon, inihalintulad ni Syjuco ang NEP sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na una nang idineklarang unconstitutional ng kataas-taasang hukuman.

Tulad ng PDAF, hiniling ng dating kongresista sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang NEP.

Tinukoy ni Syjuco na respondent sa kanyang petisyon sina Budget Secretary Florencio Abad, Senate President Franklin Drilon, at House Speaker Feliciano Belmonte Jr.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon pa kay Syjuco, ang NEP at 2015 General Appropriations bill ay unconstitutional dahil ang mga ito ay tinukoy na “savings” upang malusutan ang desisyon ng Korte Suprema laban sa paggamit ng Disbursement Acceleration Program (DAP), na itinuturing ding “pork barrel fund.”

Ipinaliwanag ni Syjuco na nakasaad sa Konstitusyon ang “savings” bilang surplus sa budget matapos makumpleto o mabayaran ang isang partikular na line item budget na kabilang sa General Appropriations Law.

Iginiit niya na kung ang pondo ay hindi nagamit, hindi na ito dapat ituring na savings.

Inihirit din ng dating mambabatas na pinalawak lamang ang kahulugan ng “savings” sa NEP at 2015 General Appropriations Bill upang maipagpatuloy ng Ehekutibo na itigil ang pagpapatupad ng inaprubahang PAP (program, activity or project) kahit pa sa unang bahagi ng fiscal year upang mapilitang gawing “savings” ang hindi nagalaw na pondo. (Rey G. Panaligan)