DALLAS (AP)– Umiskor si Donald Sloan ng 29 puntos at pitong manlalaro ng Indiana Pacers ang nagtala ng double figures sa 111-100 pagwawagi nila kontra Dallas Mavericks kahapon.

Lumamang ang Pacers sa kabuuan ng second half at inilista ang season-high nila sa puntos at napantayan ang kanilang season-high sa field goal percentage (48.1).

Nakakuha ang Indiana ng double-double mula kay Luis Scola, na naglista ng 14 puntos at humila ng 11 rebounds. Sina Solomon Hill at Rodney Stuckey ay kapwa gumawa ng 12 puntos, habang kapwa nag-ambag sina Chris Copeland at Damjan Rudez ng 11, habang 10 ang nagmula kay Ian Mahinmi.

Ito ang unang start para kay Mahinmi sanhi ng pagkaka-sideline ng center na si Roy Hibbert dahil sa sprained ankle.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang Mavericks, na natalo ng dalawang sunod, ay pinangunahan ni Monta Ellis sa kanyang 24 puntos.

Nagdagdag si Dirk Nowitzki ng 22 puntos at team-high na 11 rebounds. Nagposte si Chandler Parsons ng 16 puntos at 13 naman ang nagmula kay Devin Harris.

Naitayo ng Indiana ang 98-86 na abante sa huling 8:28 sa 3-pointer ni Rudez, ngunit unti-unti ring nabawasan ng Dallas ang kanilang kalamangan.

Nakakuha ang Mavericks ng pitong magkakasunod na puntos at hindi pinaiskor ang Pacers sa loob ng 4:30. Ngunit na-outscore ng Indiana ang Dallas, 10-5, sa kabuuan ng laro sa likod ng mga three-pointer nina Sloan at Stuckey upang hindi na sila mahabol.

Isang field goal lamang ang nakuha ng Dallas sa final 7:17.

Kinapos si Sloan ng dalawang puntos upang mapantayan ang career-high na 31 na kanyang nailista kontra Washington noong Nobyembre 5.

Samantala, hindi pa sigurado si coach Frank Vogel tungkol sa status ni Hibbert para sa laro sa Huwebes kontra Houston.

Sa pagkakawala ni Paul George (broken leg) para sa season at ang hindi paglalaro nina David West (ankle) at George Hill (bruised knee), tatlo sa starters ng Indiana kahapon ang mayroong mas kaunti pa sa 16 NBA career starts ngayong season.

Resulta ng ibang laro:

Cleveland 106, Orlando 74

Portland 114, Philadelphia 104

LA Clippers 113, Charlotte 92

Toronto 104, Phoenix 100

Houston 91, New York 86

Chicago 97, Utah 95