BATAY sa mga pinagsasabi ng kampo ni Manny Pacquiao ilang araw na lang bago maganap ang laban niya kay Chris Algieri, pinasilip na nila sa atin ang mangyayari. Hindi mo sila mapigil sa pagpuri kay Manny at wala naman silang tigil sa pagkantiyaw kay Algieri. Bumalik na anila ang dating porma ni Manny, ang kanyang bilis, lakas at killer-instinct. Mahina at mabagal daw naman si Algieri at baka sa unang round pa lang ay mapabagsak na ito ni Manny. Sa kampo ni Pacquiao, kakaning itik lang si Algieri. Ganoon naman pala, eh bakit ito ang piniling kalaban ni Manny? Nananahimik yaong tao, hinamon mo ng boxing. Bakit hindi naman lalaban ang American boxer, eh bukod sa magkakapera na siya, lalaki pa ang kanyang pangalan sa mundo ng palakasang ito, matalo man siya o manalo.

Kaya naganap na nga ang inaasahan ng kampo ni Manny. Tama sila, kung ang asta at laban na ipinakita ni Algieri, bumalik na nga sa dating porma at istilo ng pakikipaglaban si Manny. talagang mabilis siya. Bakit nga ba hindi bibilis eh nakuha niyang mahuli sa kanyang mga suntok si Algieri na walang ginawa kundi ang tumakbo at umilag. wala sa anumang yugto ng labing-dawalang round nilang labanan na nakipagpalitan ng suntok si Algieri. Mas marami pa yata ang iginulong niya sa ring kaysa napatama niyang suntok sa mukha ni Manny. Paano niyang matatamaan si Manny, eh nauuna pa ang kanyang ilag kaysa magbitiw ng suntok. tirang takot, ika nga. Dahil ganito nga ang naging taktika ni Algieri sa labanan, hindi umubra ang killer-instinct ni Pacquiao. Sinunod-sunod ni Manny ang pagbira kay Algieri, istilong da King, pero nanatili itong nakaastang lalaban hanggang sa huling round. Hindi gaya ni Oscar dela Hoya na naunang nakalaban ni Manny na pagkatapos ng ika-walong round ay umayaw na ito. Sana huwag na uling gawin ito ni Bob Arum, wika ni sports analyst Recah trinidad.

Kahit hindi ka naman si trinidad, hindi maganda ang ginawa ng promoter sa mga taong nasisiyahan sa tunay na laban na litaw na litaw ang kakayahan ni Manny.
National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros