ferguson [ap]

FERGUSON, Mo. (AP/Reuters)— Libu-libong katao ang nag-rally noong Lunes ng gabi sa mga lungsod sa United States upang iprotesta ang desisyon ng grand jury na huwag kasuhan ang isang puting pulis na pumatay sa isang hindi armadong 18-anyos na itim na lalaki sa Ferguson, Missouri.

Pinangunahan nila ang mga martsa, nagwagayway ng mga bandila at sumigaw ng “Hands Up! Don’t Shoot,” ang slogan ng mga protesta sa police killings sa buong bansa.

Nagpaplano na ang mga aktibista ng protesta bago pa man ang paglabas ng desisyon noong gabi na si Officer Darren Wilson ay hindi kakasuhan sa pamamaril at pagkamatay ni Michael Brown noong Agosto.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Galit na sumugod ang mga demonstrador sa labas ng Ferguson Police Department sa suburban St. Louis matapos ianunsiyo ang desisyon. Ang mga pulis na lumikha ng pader ng clear riot shields sa labas ng presinto ay pinagbabato nila ng mga bote at lata.

Gumanti ang mga pulis sa pagbaril ng smoke canisters at pepper spray.

Sa New York, nagtipon ang mga demonstrador sa Times Square, sumigaw at tumugtog ng drum. Nasaksihan din ang mga protesta sa Chicago, Oakland sa California, Seattle, Cleveland, at Philadelphia.

“Mike Brown is an emblem (of a movement). This country is at its boiling point,” sabi ni Ethan Jury, nagpoprotesta sa Philadelphia. “How many people need to die? How many black people need to die?”

FLIGHTS APEKTADO

Samantala, inilipat ng Federal Aviation Administration ang ilang flights patungong St. Louis sa ibang paliparan matapos ang mga ulat ng pagbabaril sa kalangitan.

Sinabi ng FAA na halos 10 flights ang inilipat mula sa Lambert-St. Louis International Airport dakong 11:30 p.m. (0430 GMT) noong Lunes. Ang dahilan ay “to provide a safe environment for law enforcement activities.”

CALM DOWN

Nanawagan si President Barack Obama at ang pamilya ni Michael Brown ng kahinahunan sa pagsiklab ng galit ng mga taga-St. Louis County sa desisyon ng grand jury. Habang nagsasalita si Obama sa White House briefing room, ipinakikita naman sa mga telebisyon ang mga bayolenteng demonstrasyon sa buong Amerika.

“We are a nation built on the rule of law, so we need to accept that this decision was the grand jury’s to make,” himok ni Obama. Ngunit sinabing nauunawaan niya na ang ilan ay magiging “deeply disappointed — even angered.”

Naglabas naman ng pahayag ang pamilya ni Brown na nagsasabing sila ay “profoundly disappointed” sa desisyon ngunit hiniling sa publiko na “channel your frustration in ways that will make a positive change. We need to work together to fix the system that allowed this to happen.”